DOTr APRUB SA PHP160K EQUITY SUBSIDY PARA SA DRAYBER AT OPERATOR SA PUV MODERNIZATION PROGRAM

DOTr APRUB SA PHP160K EQUITY SUBSIDY PARA SA DRAYBER AT OPERATOR SA PUV MODERNIZATION PROGRAM

June 29, 2020 @ 2:52 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  
Share

Sa gitna ng pandemya, inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagdoble ng equity subsidy mula sa dating PhP80,000 sa PhP160,000 para sa mga operator na sasali sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Retroactive ang pagpapatupad ng mas mataas na equity subsidy kaya maaari itong pakinabangan ng mga naunang sumali sa PUVMP.

Nilagdaan ni Transport Secretary Arthur Tugade ang pagbabagong ito sa probisyon ng Department Order 2018-016 upang gawing mas abot-kaya ang mga modernong PUV para sa mga operator na sasali sa PUVMP.

Mula sa halagang PhP80,000, magbibigay na ang DOTr ng PhP160,000 para sa bawat modernong yunit bilang equity subsidy para sa mga PUV operator na may mga balidong prangkisa, pati na rin sa mga PUV operator na gusto mamasada sa mga bagong ruta sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines.

Hangad ng hakbang na ito na matulungan ang mga drayber at operator na lumipat sa modernong PUV, lalo na sa kasalukuyang panahon ng pandemya.

Ayon kay Sec. Tugade, ang pagtaas ng equity subsidy ay isang paraan upang matulungan ang mga ito habang umuusad ang bansa tungo sa “new normal” sa gitna ng banta ng coronavirus (COVID-19).

“Habang sumusulong tayo patungo sa pagbabago, ito ‘po ang paraan namin para sabihing kaagapay ninyo kami sa Kagawaran ng Transportasyon.

“Salungat sa mga pahayag ng mga kritiko, narito kami upang makatulong at makinig sa ating mga kasamahan.

“Kailangan ‘po natin ito, lalo na’t naghahanda tayo sa isang kinabukasan kung saan lahat ay makikinabang sa modernization,” wika ni Sec. Tugade.

Binanggit rin ni Sec. Tugade na kasama rin sa equity subsidy ang mga aplikasyon mula Hulyo 31, 2018.

“Retroactive po ito. Ang ibig sabihin, kahit na nakuha na nila ang dating halaga, makukuha pa rin po ng drayber o operator ‘yung balanse,” dagdag ni Sec. Tugade.

Malugod na tinanggap ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra ang panukalang ito para mas dumami pa ang mga drayber at operator sa ilalim ng PUVMP.

“Mas maraming PUV operator at drayber ang makasasali sa PUV Modernization Program dahil siguradong makakukuha sila ng pautang mula sa mga bangkong pinatatakbo ng gobyerno.

“Sisiguraduhin ng DOTr at ng LTFRB ang walang patid na suporta para sa mga PUV drayber at operator patungo sa modernization,” wika ni Chairman Delgra.

Share

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Loading...