Home NATIONWIDE DOTr bukas sa kompromiso sa PUV modernization subalit nanindigan sa franchise consolidation

DOTr bukas sa kompromiso sa PUV modernization subalit nanindigan sa franchise consolidation

MANILA, Philippines- Bukas ang Department of Transportation (DOTr) sa pagtalakay sa mga kahilingan ng transport groups sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP),subalit sinabing naninindigan ang gobyerno sa franchise consolidation.

Nang tanungin ukol sa mga kompromiso na maaaring gawin ng pamahalaan upang pahinahunin ang mga kontra sa programa, inihayag ni Transport Secretary Jaime Bautista nitong Huwebes na kailangang makipag-usap ng transport groups sa gobyerno upang ilatag ang kanilang mga demand.

“Hindi nga namin alam ang gusto nila, ‘yung individual franchise, but it will be contrary to the concept of consolidation. Dito sa [with] consolidation, we will be very firm. We will require consolidation,” dagdag niya.

Kasunod ng apela ng mga mambabatas at transport groups, pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PUV consolidation deadline ng tatlo pang buwan hanggang April 30, kasunod ng pagtatapos nito noon Dec. 31, 2023.

Iginiit ni Bautista na bukas ang gobyerno sa pagpayag na makilahok ang individual operators sa existing cooperatives o corporations.

“But since the president extended it for three months, now we will allow them to form their own cooperatives or corporations. Palagay ko [I think] in three months they should be able to do that,” paliwanag niya.

Para naman kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz, kahit na malinaw ang mga rekisitos ng gobyernopartikular sa konsolidasyon, bukas umano ito sa pagtukoy sa “common ground” sa transport sector.

“I was in a meeting last night in Congress with (PISTON president) Mody Floranda and Manibela’s Mar Valbuena. They have agreed to visit my office and come up with a dialogue,” wika ni Guadiz.

“Open-ended ‘yun, but when they agreed to come to the office, it means they are willing to sit down and discuss the matter with us,” patuloy niya.

Inilahad ni Bautista sa panayam nitong Huwebes na April 30 ang huling consolidation deadline extension. Pagkatapos nito, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang sunod na yugto ng PUVMP na route rationalization.

Ani Bautista, ang kasalukuyang nationwide consolidation ay 76%. RNT/SA

Previous articlePH Navy nagsagawa ng SAR ops sa 2 lumubog na motorbanca sa Palawan
Next article3 LTO employees kalaboso sa pagpuslit ng unregistered plates; 1 pa tinutugis