MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes na nais nitong makipagdayalogo sa transport groups, partikular sa PISTON, upang itama ang ilang “misconceptions” sa jeepney modernization program ng gobyerno, na ugat ng umiiral na 3-day transport strike.
Sinabi ni Transport Secretary Jaime Bautista na laging bukas ang linya ng komunikasyon ng ahensya sa transport groups na maaaring mayroong “misconceptions” ukol sa PUV modernization program.
“I still believe we can resolve the issues through honest communication. We have been fine tuning the program according to the voices of transport groups,” ani Bautista.
Sinabi pa ni Bautista na nakipag-ugnayan siya kay PISTON president Mody Floranda.
Ikinasa ng PISTON ang three-day transport strike upang tutulan ang nagbabadyang deadline para sa konsolidasyon sa ilalim ng Public Utility Vehicles Modernization project.
Inilahad ni Floranda na nakausap nila si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chief Teofilo Guadiz III, na pumayag na busisiin ang kanilang proposals at magpulong sa katapusan ng buwan.
“Magkakaroon kami ng konsultahan sa aming mga lokalidad kung ano ang magiging desisyon at dito sa NCR at mga rehiyon, ay itutuloy ang ating pagkilos… Tayo ay nagpapasalamat kay Chairman Guadiz na bukas sa kahilingan ng ating mga driver, ang kailangan lang po natin ay mayroong masusing panghahawakan ang mga driver at operator,” wika ni Floranda.
Nauna nang iginiit ni Bautista na hindi magkakaroon ng phase-out hangga’t ang jeepney units ay roadworthy pa.
Sinabi naman ng MMDA na magpapatuloy ang number coding scheme ngayong Martes. RNT/SA