Nilinaw ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Biyernes na hindi na magpapatuloy ang programang ‘Libreng Sakay’ ng gobyerno sa susunod na buwan.
Ang paglilinaw ni Bautista ay matapos na naunang sabihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na babalik ang free ride program sa Nobyembre at tatagal hanggang Disyembre ngayong taon dahil ang P1.3 bilyong budget para sa programa ay nakahanda na para ilabas sa pamamagitan ng joint memorandum circular.
Ani Bautista, imbes na ibalik ang libreng sakay, iniisip ng DOTr na magbigay na lamang ng diskwento sa pamasahe ng commuters.
Ang serbisyo ng libreng sakay sa EDSA Carousel o Busway system ay natapos noong Disyembre 31, 2022, pagkatapos ng 2 taong pagtakbo.
Sa ilalim ng programa, hiningi ng gobyerno ang tulong ng mga bus para magbigay ng libreng sakay sa commuters. Santi Celario