Home METRO DPWH chief: May warning signs sa Antique ‘killer curve’

DPWH chief: May warning signs sa Antique ‘killer curve’

MANILA, Philippines- Kasunod ng mga ulat na walang  safety signs sa “killer curve” road sa Antique bago ang bus accident na kumitil sa 18 indibidwal, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na mayroong “warning signals” sa lugar.

“Itong mga dumadaan naman diyan ay very aware of the alignment na they had to negotiate, from the very start, may mga warning signs naman tayo at saka ‘yung mga safety na nilagay doon sa ravine side,” pahayag ni Bonoan sa isang panayam nitong Huwebes.

Nang tanungin kung nagdesisyon ang DPWH na igawad ang hiling ng Antique Governor na magtayo ng mas ligtas na daan, sinabi niya na bukas sila sa impelementasyon ng karagdagang safety measures at audits.

“On top of that yes, ‘yung area na ‘yan is mountainous and, however, lahat ng safety features naman po ng mountain roads are actually nandoon po in place,” pahayag ni Bonoan. “Dito po sa mga area na ito, mayroon pong mga warning signs on dangerous curves.”

Bukod umano sa warning signs, mayroon ding solar lights at concrete barriers sa lugar.

Taliwas dito, inihayag ni Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Broderick Train sa isang panayam nitong Miyerkules na walang warning signs sa lugar bago ang insidente, dahil nagsagawa ng construction work at kinailangang alisin ang mga ito.

“Actually may mga warning signs diyan tama nga po may mga speed limits pero may nag process na widening diyan kaya tinanggal yung mga signs na yan and mga information…So wala pong guidelines yung mga driver. So probably isa rin po yan sa mga recommendation natin na i-implement na ka agad,” pahayag niya.

Sinabi ni Train na tanging Ceres ang tanging bus company na nagsesrbisyo sa buong isla ng  Panay kabilang ang Antique.

Aniya, ang ikalawa na rin ang insidente kamakailan na naganap sa lugar, at sinabing marami na ring uri ng sasakyan ang nahulog sa bangin.

“Mayroon naman mga initiative na ginawa but I think it’s not sufficient para ma-prevent or ma-reduce ‘yung mga aksidente rito,” wika ni Train.

Inihayag ng local PDRRMO chief na ayon sa mga saksi, tila nasa 60 hanggang 70 kilometers per hour ang takbi ng bus na maaaring dahil sa palyadong preno.

“Ito pong bus ay patungo po ng Antique, it’s on the mountain side, unfortunately po sa mountain side po siya,” ayon kay Bonoan. “Pero nahulog po siya dun sa ravine side, ‘yun po yung medyo diperensya kaya tinitingnan po namin ‘yung angulo. Bakit napunta po siya dun sa ravome side and he’s in fact on the mountain side po yung ruta niya?”

Anang opisyal, pansamantala nilang isinara ang lugar. Pinayuhan naman niya ang publiko na dumaan sa mga alternatibong ruta tulad ng coastal route o maglakbay sa dagat patungong Antique galing Iloilo. RNT/SA

Previous articleAlert status ng Mayon Volcano ibinaba sa Level 2
Next articleSuspek sa pananaksak na ikinasawi ng Filipino-German tourist kinasuhan