MANILA, Philippines- Kapwa nanguna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paggastos ngayong third quarter ng taon.
Ito ang isiniwalat ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon sa Palace press briefing, araw ng Martes, matapos ang sectoral meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bagama’t una nang tumanggi si Edillon na sagutin kung ano ang mga ahensya ng pamahalaan ang nag-improve ang paggastos, kalaunan ay sinabi nito na nanguna ang DPWH pagdating sa capital spending na sinundan naman ng DSWD.
Ang government spending, sinasabi ng economic managers ng bansa na siyang makapagpapahusay sa growth rate sa pagtatapos ng taon, ay isa sa tatlong agenda na tinalakay ni Pangulong Marcos.
Ang dalawang iba pa ay ang food inflation at non-food inflation.
“Iyong sa spending, ni-report ng DBM iyong naging progress natin na actually for this third quarter, mataas ang naging spending ng mga ahensya,” ayon kay Edillon.
Ipinaliwanag pa nito na nagawang isumite ng mga ahensya ang kanilang “catch-up plans,’ habang marami sa mga ito ang nag- improve ang paggastos para sa third quarter.
“So, we’re expecting, yeah.. actually that’s until end of September na pala iyong datos nila. So, talagang we’re able to plug naman those holes,” pahayag pa ni Edillon.
Matatandaang buwan ng Agosto ngayong taon ay sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na ang pagpapabilis sa implementasyon ng mga proyekto at programa ay mapakikinabangan ng ekonomiya para sa second half ng 2023.
Isiniwalat din nito na iprinesenta ng ahensya ang catch-up plans at action plans para sundin ng mga ahensya ng gobyerno.
Samantala, tinalakay naman ni Edillon ang report mula sa Sub-committee on Inflation and Market Outlook, nilikha ni Pangulong Marcos, na may layunin “to provide advice anticipating the developments either in the country and especially outside.”
“The directive from the subcommittee was to prepare for the El Niño phenomenon, especially in the agricultural sector since there are ways to ramp up the production in provinces that will be less likely to be affected by the extreme climate,” ayon kay Edillon.
Binigyang-diin din nito ang pangangailangan na masusing i-monitor ang presyo ng langis pagdating sa epekto sa non-food items sa overall inflation ng bansa.
“With respect to non-food inflation, ang nakita namin na medyo kailangan nating bantayan is still the fuel prices which hindi naman natin masyadong magagawaan ng paraan except really to manage the demand in which case it’s really energy conservation,” litaniya ni Edillon.
Samantala, kumpiyansa naman si Edillon na maging ang epekto ng Israel-Hamas conflict sa fuel at energy prices sakaling umigting ay maaaring makontrol sa pagtatapos ng ilang energy power plants at transmission projects ngayong taon o sa unang bahagi ng susunod na taon. Kris Jose