MANILA, Philippines- Hiniling ng isang senador sa liderato ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na kaagad kumilos sa lumalalang problema sa pagbaha sa Metro Manila.
Sinabi ni Senador Ramon Revilla Jr., na kailangang matukoy ang lahat ng salik na nagiging dahilan sa mabilis at agarang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila na hindi dating binabaha noon upang makakilos kaagad ang Senado hinggil dito.
Naunang ipinangako ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, na nakahanda ang ahensiya sa papalapit na tag-ulan partikular ang pagsambit sa pulong na mayroong 100 porsyentong kapasidad ang lahat ng pumping station sa National Capital Region (NCR) na tutugon sa pagbaha.
Kaya’t nanawagan muli ang mambabatas sa dalawang ahensiya na kumilos kaagad dahil nilunod ng baha ang Metro Manila na nagdulot ng matinding sikip ng daloy ng trapiko.
“Hinahanap kasi ng mga tao ‘yung sinasabi ng DPWH na kabuuang 13,224 flood control structures na inihanda nila sa buong bansa. Hindi na dapat kasi nangyayari ang ganitong problema kaya dapat ayusin sa lalong madaling panahon,” giit ni Revilla.
Pinakamatinding nakaranas ng pagbaha ang South Luzon Expressway (SLEX) kaya bumaha sa lansangan na nagresulta ng matinding trapiko mula Laguna hanggang Crossing, EDSA.
Nagkaroon ng standstill sa pagbaha sa mababang lugar ng lansangan na pinalala ng baradong kanal na dapat daanan ng tubig sanhi ng malakas na ulan.
Inaalala ng mambabatas ang mga motorista na patuloy na nakararanas ng ganitong senaryo tuwing tag-ulan na hindi natutugunan ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon.
Inaasahan pang magkakaroon ng sunod-sunod na pag-ulan sa mga susunod na buwan. Ernie Reyes