MANILA, Philippines- Aabot sa mahigit 1,000 ang disqualification cases ang ihahain ng Comelec Task Force laban sa mga kandidato na tumatakbo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.
Ayon kay Garcia, mayroong 40 pa na ipa-file sa Lunes gayundin sa Martes.
Noong Biyernes, nakapaghain na ang Comelec ng disqualification cases laban sa 35 kandidato ng BSKE dahil sa premature campaigning.
Halos 3,600 na rin ang naisyuhan ng show cause order sa buong bansa. Sa bilang na ito, sinabi ni Garcia na 35 ang sinampahan ng disqualification case.
Umaasa si Garcia na makapagdedesisyon ang poll body bago ang BSKE sa Oktubre 30.
Noong Setyembre 29, naglabas ang poll body ng kabuuang 3,541 show cause order laban sa mga kandidato sa BSKE. Sa bilang na ito, 600 na ang sumagot, sabi ni Garcia, at higit sa 100 sa mga ito ay napatunayang may batayan para sa disqualification.
Sa kabilang banda, ang reklamo laban sa 300 na naisyuhan ng show cause orders ay napatunayang walang basehan ng reklamo.
Sinabi ng Comelec chairman na nakakalap ng ebidensya ang task force para magamit sa disqualification cases.
Dagdag pa ng poll chief na kapag nadesisyunan ang DQ bago ang Oktubre 30, ang mga diskwalipikado ay aalisin sa listahan ng kandidato. Kapag sila ay ibinoto pa rin, mababalewala ang kanilang boto.
Gayunman, sinabi ni Garcia na ang mga kandidato ay maari pa ring maharap sa kasong kriminal sa law department ng komisyon.
Maari naman aniyang pumunta sa Korte Suprema para umapela ang mga madidiskwalipika. Jocelyn Tabangcura-Domenden