Home NATIONWIDE DQ petition vs Smartmatic ipinababasura sa Comelec

DQ petition vs Smartmatic ipinababasura sa Comelec

MANILA, Philippines- Inulit ng service provider na Smartmatic ang panawagan nito sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang disqualification petition laban sa kanila sa bidding process para sa 2025 automated election.

Sa isang pahayag na inilabas noong Sabado, nanindigan ang Smartmatic na ang mga akusasyon laban sa kanila ay “walang batayan” at ang mga petitioner ay “kulang ng ebidensya.”

Ang petisyon laban sa Smartmatic ay inihain nina dating Department of Information and Communications Technology chief Eliseo Mijares Rio Jr., Augusto Cadelina Lagman, Franklin Fayloga Ysaac, at Leonardo Olivera Odono noong Hunyo 15.

Iginigiit na ang Smartmatic ay hindi nakasunod sa ilang minimum system capabilities na nagresulta sa malubha at grave irregularities sa paghahatid at pagtanggap ng election return noong 2022 polls.

“The petitioners have not demonstrated a single vote discrepancy. The automated system’s accuracy has been consistently proven, validated by Comelec’s records, Random Manual Audits, and independent audits and recounts by watchdogs like LENTE and PPCRV,” sabi ng Smartmatic .

“Comelec has the resources and facts to affirm the election results as voted by the Filipino people… In upholding the integrity of democratic processes, it is imperative for election management bodies to make decisions based only on verifiable facts and tangible evidence,” dagdag pa ng service provider.

Hindi pa napagbobotohan ng Comelec en banc ang petisyon.

Ngunit, sinabi ni Comelec chair George Garcia na ang draft resolution ay naiprisenta na sa mga miyembro ng en banc.

Dagdag pa ni Garcia, inaasahan na bago matapos ang linggong ito ay mailabas na ang resolusyon.

“We promise to you that whatever our decision is, this will always be for the good of the country, for the good of our election management, and for the purpose of upholding, affirming the integrity of each and every election that the Comelec is conducting,” ani Garcia.

Inanunsyo rin ni Garcia na ang pagsusumite ng bid documents para sa bagong automated election system sa 2025 midterm polls ay inilipat mula Nob. 28 sa Dis. 12.

Ito ay napagdesisyunan ng Special Bids and Awards Committee para bigyan ang lahat ng posibleng supplier ng mas maraming oras para ihanda ang kanilang mga dokumento na isusumite sa poll body.

Noong nakaraang Biyernes, inihayag ng Comelec na hindi bababa sa limang kompanya ang inaasahang magsusumite ng kanilang bid para sa P18 bilyong kontrata ng vote counting machine. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBato sa pagbabalik ng Pinas sa ICC: Dapat maghanda ako
Next articlePalawan State University grad nanaguna sa Nov. 2023 Civil Engineers licensure exam