GINGOOG CITY- PATAY ang driver ng truck at dalawa nitong pahinante matapos silang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek makaraan masagi umano ng una ang sasakyan ng huli nitong Martes, Oktubre 10 sa lungsod na ito.
Kinilala ni Misamis Oriental PNP spokesperson Police Lt. Theofratus Pia ang mga biktimang sina Anghel Mama Paglas; Mohamedin Allen Abdulrazak; at Omar Adjid, lahat ay taga Maguindanao.
Batay sa report ng Gingoog City Police station, bandang 4:15 AM nang maganap ang krimen sa kalsadang sakop ng Barangay Anakan, Gingoog City, Misamis Oriental.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing Butuan City ang mga biktima at maghahatid sana ng mga second hand na motorsiklo sa naturang lungsod.
Base sa salaysay ng ilang saksi bago ang krimen, binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng nabanggit na lugar nang masagi ang sasakyan ng mga suspek na armado ng matataas na kalibre na armas.
Dito, pinagbabaril ang mga biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan hanggang sa bumaligtad ang truck na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico