MANILA, Philippines – Sumuko na sa mga awtoridad ang drayber na nanutok ng baril sa isang siklista, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) chief Police Brigadier General Nicolas Torre III nitong Linggo, Agosto 27.
Ang tinutukoy ng opisyal ay ang motorista na nagmura, nanakit at nanutok pa ng baril sa isang siklista makaraang masagi umano nito ang kotse ng drayber.
“Sa loob ng… 30 minutes ay nakuha natin ‘yung tao, napa-surrender natin. Sa ngayon ay iniimbestigahan natin, nandoon sa anti-carnapping unit dahil kailangan i-verify ang plate number,” pagbabahagi ni Torre sa panayam ng DZBB.
Bago rito ay nanawagan na ang QCPD sa drayber na sumuko na sa pinakamalapit na istasyon ng pulis matapos mag-viral ang video ng insidente noong Agosto 8, sa social media.
Ayon kay Torre, kasabay ng pagsuko ay isinurrender din nito ang kanyang baril at sasakyan na nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
“Sigurado tayo dito na ma-revoke natin ang kanyang LTOPF (License To Own and Possess Firearm). Bahala na ang ang HPG (Highway Patrol Group) kung i-reinstate uit ang kanyang LTOPF,” dagdag niya.
Kung maghahain ba ng reklamo ang siklista, sinabi ni Torre na posibleng maharap sa reklamong light o grave threats at firearms possession ang drayber.
Samantala, kinilala ang drayber ng pulang sasakyan na si Wilfredo Gonzales, at sinabing nakipagkasundo na sa kanya ang siklista.
Idinagdag din niya na siya mismo ang nagkusang ipaalam ang insidente sa pulisya. RNT/JGC