Home NATIONWIDE Drilon: Aguirre posibleng paharapin sa perjury case sa pagpilit sa witness vs...

Drilon: Aguirre posibleng paharapin sa perjury case sa pagpilit sa witness vs De Lima

MANILA, Philippiens – Maaaring maharap sa reklamo si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, na pinilit umano ang isang testigo na tumestigo laban kay dating Senador Leila de Lima,  matapos payagang makapagpiyansa ang huli para sa kanyang natitirang kaso sa droga.

“The testimony of former BuCor (Bureau of Corrections) director Rafael Ragos which says he was coerced to testify against De Lima opens former Secretary Vitaliano Aguirre to charges of subornation of perjury,” ani former Senate President Franklin Drilon sa interbyu ng CNN Philippines.

Ang tinutukoy ni Drilon ay ang principal witness na si Ragos sa mga kaso ng droga ni De Lima na kalaunan ay binawi ang kanyang mga alegasyon.

Iginiit niya na siya ay “pinilit” ni Aguirre na magsagawa ng mga affidavit na nagsasangkot sa dating mambabatas sa kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) dahil nakatanggap siya ng “mga banta ng pagkakakulong.”

Si Aguirre ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naging paksa ng mga batikos ni De Lima dahil sa kanyang madugong giyera laban sa iligal na droga.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, sinabi ni Drilon na maaring makulong ng 10-12 taon si Aguirre kapag napatunayang nagkasala.

Samantala, sinabi ni Drilon na wala pang ebidensya na “induced and directed” ni Duterte ang pagsasampa ng mga kaso ni De Lima. Kapag mayroon na, ang dating punong ehekutibo ay maaari ding kasuhan ng subornation of perjury.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng abogado ni De Lima na si Boni Tacardon na hindi pa napag-uusapan ng dating senador ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga posibleng nasa likod niya ng halos pitong taong pagkakakulong.

Ang kanyang mga priyoridad sa ngayon ay ang pagbisita sa kanyang ina, muling pagtatayo ng kanyang buhay, at pagtubos sa kanyang reputasyon, dagdag niya. RNT

Previous articlePagbasura sa ill-gotten wealth case vs Marcos, kinatigan ng SC
Next article7 kaalyado ni Digong nag-ober da bakod sa Lakas