NAGKAHETOT-HETOT ang pagsasalarawan ng ating kaibigang broadcaster na si “Ka Rene Sta. Cruz” sa mga kaganapang kinasasangkutan ng ating pambansang pulisya partikular na ang Philippine National Police – Drug Enforcement Group o’ PDEG.
Maging ang imahe ng bumabangon na PNP ay nadamay sa iskandalong nabunyag sa kagagawan ng mga opisyal at operatiba ng PDEG sa itinuturing na isa sa pinakamalaking huli ng iligal na drogang ‘shabu’ na nangyari noon pang isang taon.
Bukod sa halos isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng lagpas anim na bilyong piso (P6.7B) na napasakamay ng isang ranking policeman at itinago sa Wealth and Personal Development lending office sa Jose Abad Santos Avenue, Sta. Cruz, Manila, eh lumobo ito sa napakaraming imbestigasyon.
Mayroong binuong review panel si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. at inatasan ang National Police Commission na magsagawa rin ng sariling imbestigasyon. Ang Kongreso ay ganoon din bu-kod pa sa ipinatawag ang lahat ng police officials na sangkot sa iskandalo.
Iskandalo, dahil nabisto na ang huling shabu ay nabawasan at naibalik nga ngunit kulang. Kung ganito nang ganito ang kaganapan, paano nga naman natin mapagtatagumpayan ang laban sa iligal na droga.
Kaya anoman ang kalalabasan ng mga imbestigasyong ipinatawag, kailangan talagang may masampolan sa iskandalong ito sa hanay ng mga pulis.
PNP ang naatasang magbibigay ng proteksiyon sa lipunan, ngunit kung ganito naman ang ating mababalitaan na mismong mga pulis ang nagpapatakbo ng sindikato ng iligal na droga, nakababahala talaga.
Paano bibigyang-proteksyon ng mga pulis ang mamamayan kung sila mismo na dapat bantay at tagapangalaga sa kapayapaan at kaayusan ay silang nagsisilbing anay na sumisira sa magandang pundasyon at imahe ng PNP?
Paalala lamang sa ating mga pulis, mayroon kayong tungkulin na sinumpaan, huwag n’yo sanang bahiran ng kasamaan ang sumpang ito.