MANILA, Philippines- Apat na drug suspects na kabilang sa drug watchlist bilang mga street level individuals (SLI) ang nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Pasay police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kasabay ng pagbuwag ng ni-raid na di-umano’y drug den Miyerkules ng gabi (Agosto 9).
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Froilan Uy ang mga inarestong suspects na sina Rodolfo Ragansap, alias “Boy”, 54, may-ari ng di-umano’y drug den; Fernan Ferrer, 30; Rhea Fortaleza, 41; at Victoria Ramos, 18.
Base sa report na isinumite ni Uy sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagsalakay ng mga operatiba ng SDEU sa naturang drug den dakong alas-8 ng gabi sa bahay ni Ragansap sa Matulungin St., Barangay 181, Zone 19.
Sinabi ni Uy na isinagawa ng mga tauhan ng SDEU ang buy-bust operation laban kay Ragansap na target sa nabanggit na operasyon bunsod sa natanggap na mga reklamo sa kanilang lugar dahil sa kanyang pagmimintina ng diumano’y drug den.
Sa isinagawang operasyon ay nakarekober sa mga suspects ang mga operatiba ng apat na plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 3.10 gramo na nagkakahalaga ng P21,080; rolled aluminum foil; aluminum strip, lighter, rectangular box, at ang P500 buy-bust money.
Ayon kay Uy, ang nakumpiskang diumano’y iligal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (anti-drugs law) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa SDEU custodial facility habang karagdagang kaso pa ang kinahaharap ni Ragansap kaugnay sa kanyang pagmimintina ng di-umano’y binuwag na drug den. James I. Catapusan