Home NATIONWIDE Drug stores, kinalampag sa pagpapatupad ng VAT exemption sa piling gamot

Drug stores, kinalampag sa pagpapatupad ng VAT exemption sa piling gamot

MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian sa lahat ng drug stores at maliliit na botika kabilang ang pharmaceutical companies na ipatupad sa lalong madaling panahon ang exemption sa value-added tax (VAT) ng ilang piling gamot sa kapakinabangan ng mamimili.

Sa ngayon, ayon kay Gatchalian, may kabuuang 22 na gamot ang nadagdag sa kasalukuyang listahan ng mahigit 2,000 VAT-exempt na gamot na dinisenyo para sa mga sakit na tulad ng diabetes, hypertension, cancer, mataas na kolesterol, sakit sa pag-iisip, tuberculosis, at sakit sa bato.

Kasama rin sa VAT-exempt ang ilang medical devices na ginagamit upang makaiwas at magamot ang COVID 19.

“Sa gitna ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, mahalagang mapababa ang presyo ng gamot. Dapat itong maipatupad sa lalong madaling panahon para sa kapakinabangan ng ating mga mamamayan, lalo na ng mga may sakit,” ani Gatchalian.

Ang panawagan ng senador ang kasunod ng ipinalabas na Revenue Memorandum Circular No. 17, series of 2024 ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng listahan ng mga karagdagang gamot na sasakupin ng VAT exemption na itinakda ng Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration at Inclusion (TRAIN) Act. Si Gatchalian ay co-author ng naturang batas. Samantala, nakasaad din sa Republic Act No. 11534, o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act ang VAT exemption para sa mga gamot na ito.

Kasabay nito, hinimok din ni Gatchalian ang publiko na manatiling mapagmatyag at tiyaking tama o mas mababa ang binabayaran nilang halaga ng gamot na kasama sa listahan ng VAT-exempt.

Ang VAT exemption ay sinimulang ipatupad noong nakaraang Pebrero 19.

“Kailangang maging alerto ang publiko sa presyo ng mga gamot na kanilang binibili. Dapat makita ang VAT exemption sa resibo ng biniling gamot,” diin niya. Partikular na binanggit ng mambabatas ang mga senior citizen, mga taong may kapansanan, at mga may umiiral na kondisyong medikal. Ernie Reyes

Previous articleBRC probe vs katiwalian sa Marcos admin, walang sasantuhin – Pia
Next articleNegosyante binoga sa ulo, patay