MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Supreme Court nitong Lunes na gagawin nitong rekisitos ang drug testing bilang bahagi ng pre-employment requirement sa Hudikatura.
Inihayag ng SC na bahagi ito ng Guidelines for the Implementation of a Drug-Free Policy in the Judiciary nito.
Bukod dito, sinabi pa ng Korte na isasailalim din ang court employees sa random mandatory drug tests sa panahon ng kanilang employment.
Gayundin, inihayag ng Korte na ang positibong resulta ay maaaring ground para sa suspensyon o pagkasibak sa trabaho.
Samantala, inilahad ng SC na saklaw ng guidelines lahat ng opisyal at tauhan ng SC, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at ng first at second-level courts sa ilalim ng direct supervision ng Office of the Court Administrator.
Kasama rin dito ang mga empleyado ng Judicial and Bar Council, Judicial Integrity Board, Philippine Judicial Academy, Office of the Judiciary Marshals, Mandatory Continuing Legal Office, at lahat ng mga opisina sa ilalim ng SC.
Anang Korte, epektibo agad ang alituntunin matapos ang pagkakalathala nito sa pahayagan nitong Setyembre 17. RNT/SA