MANILA, Philippines- Inihayag ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora nitong Huwebes na nais niyang magsagawa ng dry run para sa implementasyon ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR).
“I will also suggest to the body to have a trial period for the public. Kumbaga papagawa tayo ng dry run upang kapag nagkaroon na ng actual implementation ay alam na at intindido na ng ating publiko tungkol dito sa single ticketing system,” pahayag ni Zamora.
Ayon sa kanya, magkakaroon din ng information campaign para tiyakin na alam ng publiko ang bagong sistema.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Romando Artes na ikakasa ang single ticketing system kapag handa na ang traffic enforcers.
“Kapag sa tingin natin ay handa naman po yung [local government units] traffic enforcers at MMDA traffic enforcers, baka i-implement na po natin kaagad,” aniya.
“Although, may birth pangs po siguro ito kapag implementation. Maga-adjust naman po tayo depende sa situation,” dagdag ni Artes.
Nitong Miyerkules, sinai ni Zamora na magsisimula ang single ticketing system sa NCR ngayong Abril matapos aprubahan ng MMC ang Metro Manila Traffic Code of 2023, na magsisilbing guideline para sa bagong sistema.
Kailangang amyendahan ng concerned LGUs ang kani-kanilang ordinansa kaugnay ng traffic policies bago sumapit ang Marso 15.
Target ng single ticketing system na magtatag ng uniform policy sa traffic violations at penalty system sa Metro Manila.
Sasaklawin nito ang Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at Pateros. RNT/SA