
MANILA, Philippines- Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na maaari pang madagdagan ang P15,000 financial assistance para sa kwalipikadong rice retailers na apektado ng price cap sa regular at well-milled rice varieties.
“Nakausap natin ang Pangulo. Inatasan niya ang DTI (Department of Trade and Industry) at DSWD na mag-calibrate pa para masiguro na kung kulang pa ‘yun, hindi tayo mag-aatubili na mag-adjust at magdagdag pa,” ayon sa Kalihim sa isang panayam.
Ani Gatchalian, ang departamento at ang DTI ay kasalukuyang namamahagi ng cash assistance sa mga apektadong retailers sa tatlong lungsod gaya ng Caloocan, Quezon City, and San Juan.
Larawan kuha ni Danny Querubin
“Para sa Pangulo, importante na mapangalagaan ang kapakanan ng mga MSME (micro, small, and medium enterprises). Alam natin na may sakripisyo sila ngayong mga panahon na ito kaya gusto ng gobyerno na matulungan sila. Alam natin na kahit negosyante sila, maliliit silang negosyante,” sabi ni Gatchalian.
Ang maliliit na retailers na apektado ng rice price cap ay maaaring makatanggap ng P15,000 financial assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng departamento.
Larawan kuha ni Danny Querubin