MANILA, Philippines- Lantarang kinalampag ni Senador Win Gatchalian ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa kawalan ng security of tenure ng child development workers (CDWs) sa bansa.
Inihayag ni Gatchalian na umabot lamang sa 11% o 8,739 sa mga 78,893 CDWs sa buong bansa ang may permanenteng posisyon ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagsisilbing kalihim ng DSWD ang kapatid nitong si dating Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.
“Kung gusto nating isulong ang professionalization at paigtingin ang early childhood care and development o ECCD system, kailangang hikayatin natin ang ating mga guro at mga manggagawa sa pamamagitan ng katiyakan sa kanilang tenure,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Sa isang pagdinig sa Senado hinggil sa pagpapatatag ng early childhood care and development (ECCD) sa bansa, ibinahagi ni Gatchalian ang datos mula sa DSWD, kung saan lumalabas na nasa ilalim ng contractual employment ang karamihan o 30% (23,835) sa mga CDWs, 22% (17,749) ang mga nasa casual position, at 20% naman (15,890) ang saklaw ng memorandum of agreement. Lumabas din sa datos ng DSWD na 9% (7,389) ang mga volunteer at job order naman ang 7% (5,561).
Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) na layuning amendahan ang Early Years Act of 2013 (Republic Act No. 10410), iminumungkahi ni Gatchalian ang mas malawak na responsibilidad para sa mga local government units (LGU) pagdating sa pagpapatupad ng mga programa ng ECCD.
Kabilang dito ang paglikha ng plantilla position para sa Child Development Teachers (CDTs) at CDWs, kabilang na rin ang pagsulong ng kanilang professional development.
“Dahil ibibigay sa local government units ang responsibilidad at pamamahala ng tenure ng mga child development workers, bibigyan natin sila ng kakayahang mamili kung sino ang itatalaga nila sa mga plantilla positions,” ani Gatchalian.
Iminumungkahi rin ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act na magiging responsibilidad ng mga LGU ang pagbigay ng sapat na pasilidad at mga resources para sa pagpapatupad ng ECCD programs. Layunin din ng panukalang batas na makamit ang universal coverage para sa national ECCD system sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga bata, mga magulang, at mga parent-substitutes na saklaw ng mga LGU.
Layunin ng panukalang batas ni Gatchalian na tiyaking tugma ang K to 12 basic education curriculum sa ECCD curriculum, bagay na imamandato sa ECCD Council. Ernie Reyes