Home NATIONWIDE DSWD nagbabala vs pekeng FB post sa payout skeds

DSWD nagbabala vs pekeng FB post sa payout skeds

MANILA – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules na hindi totoo ang isang mapanlinlang na viral post sa Facebook hinggil sa mga schedule ng grant payout para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Nais linawin ng Kagawaran na ang impormasyong ito ay hindi nagmula sa alinman sa aming mga opisyal na channel at maaaring magdulot ng kalituhan sa mga benepisyaryo ng 4Ps,” sabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao sa isang pahayag.

Sinabi ni Dumlao, assistant secretary din ng Disaster Response Management Group, na ang DSWD, bilang pagsunod sa Data Privacy Act of 2012, ay tinitiyak na ang mga detalye ng benepisyaryo ay hindi kailanman ipo-post sa publiko.

“Lahat ng opisyal na anunsyo, kabilang ang mga iskedyul ng payout para sa programang 4Ps, ay ipinakalat din sa opisyal na pahina ng 4Ps: (https://www.facebook.com/DSWDPantawidPamilya),” aniya.

Sinabi pa ni Dumlao na ang City/Municipal Links (C/MLs), na tinutulungan ng Parent Leaders (PLs), ay direktang nagbibigay ng mga iskedyul ng payout sa 4Ps sa mga benepisyaryo sa kani-kanilang lugar.

Ang Landbank of the Philippines, idinagdag niya, ay awtorisado din na ipahayag ang mga iskedyul ng payroll sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page nito kapag na-credit na ang mga cash grant sa bank account ng mga benepisyaryo.

Muli niyang iginiit na hinihimok ng DSWD ang lahat ng benepisyaryo ng 4Ps na umasa lamang sa mga opisyal na mapagkukunan para sa tumpak na impormasyon at upang maiwasan ang kalituhan. Santi Celario