Home HOME BANNER STORY DSWD: ‘Wag mag-donate ng gamit na damit, pagkaing mapapanis na

DSWD: ‘Wag mag-donate ng gamit na damit, pagkaing mapapanis na

MANILA, Philippines – Muling iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang patakaran laban sa donasyon ng mga ginamit na damit para sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi ni DSWD Special Assistant to the Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Leo Quintilla, bukod sa cash, tumatanggap ang ahensya ng food and non-food donations, ngunit ang ilang in-kind goods, tulad ng used clothing, ay hindi pa rin tinatanggap sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.

“Used clothing and textile, hindi po [tayo tumatanggap] because before ng wala pa tayong mga policy, may pumapasok sa amin na mga wedding gown. Siguro nagki-clear na ng mga closet nila,” ani Quintilla sa isang media forum.

“So what is important is bago po ang kinakailangan ng ating mga beneficiaries,” dagdag pa niya.

Upang suportahan ang lokal na industriya ng garment at maiwasan ang mga panganib sa kalusugan na maaaring kumalat sa pamamagitan ng mga gamit na damit, ang DSWD ay sumusunod sa Republic Act (RA) No. 4653 sa pamamagitan ng pagtataguyod ng “no used clothing policy.”

Pinaalalahanan din ni Quintilla ang publiko na huwag mag-donate ng mga pagkain na mawawalan ng bisa sa loob ng anim na buwan.

“Because nagi-stockpili tayo, kailangan more than six months yung kanyang expiry,” paalala pa ng opisyal.

“Kasama na rin dito ‘yung food items na formula milk because we have a law on this. So hindi pa rin tayo nag-a-accept pa ng formula milk as donation,” giit pa niya.

Bukod dito, ang DSWD ay hindi tumatanggap ng mga donasyon ng mga produktong tabako, hindi rehistradong mga laruan at mga kagamitang pang-edukasyon, at mga unregulated na kasangkapan at kagamitan, dagdag ni Quintilla.

Aniya, tinatanggap ang food at non-food donations sa lahat ng tanggapan ng DSWD.

Mayroon ding mga donation desk ang DSWD sa mga regional office nito, gayundin ang Disaster Response Management Bureau sa central office, kung saan maaaring tumanggap ng mga donasyon.

Ang mga donor ay maaari ding magpadala ng cash donations sa pamamagitan ng mga bank account ng DSWD. Santi Celario

Previous articleMas malaking halaga dapat ibayad ng estado sa biktima ng pag-aresto sa mistaken identity
Next articlePacman, gumaya kay Enrile, nagpa-stem cell!