MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Trade and Industry (DTI) na dapat nang itigil ang pagbebenta ng sikat na laruang “lato-lato” dahil wala pa itong nakuhang kaukulang dokumentasyon mula sa kinauukulang ahensya ng gobyerno.
“Hindi siya dapat nabebenta, hindi siya nakikita. And I’m sure the FDA is also moving on this, nagi-enforce din sila na alisin sa market ‘yung mga produkto dahil wala nang certificate of product notification CPN. Tutulungan lang natin sila,” ani DTI Undersecretary Ruth Castelo.
Sinabi ni Castelo na dahil hindi pa nabibigyan ng CPN ang “lato-lato”, walang kasiguraduhan na ligtas ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng produkto.
“Pero ‘yung material na ginagamit doon sa laruan na iyon, hindi naman na-test ng FDA. So ‘yung chemical compounds that are included in the plastic formulation na hindi natin alam kung may hazardous substances siya like lead content,” dagdag pa niya.
“Kailangan talagang dumaan muna sa mas masusing pagsusuri ng FDA,” ani Castelo.
Sa Divisoria, ang “lato-lato” ay ibinebenta sa halagang P40 hanggang P100 bawat isa depende sa laki at kalidad. Hindi tulad ng ibang mga laruan, wala itong label sa plastic packaging nito. RNT