Home OPINION DUGYOT NA MAYNILA

DUGYOT NA MAYNILA

200
0

ISANG matandang lalaki ang napisak matapos masagasaan ng cement mixer truck kamakailan sa C.M.Recto Avenue sa Maynila.

At lintek, tila nasisi pa ang matanda sa kanyang pagkamatay dahil tumawid daw  sa hindi tamang tawiran.

Aba, mayroon pa palang tamang tawiran sa Maynila?

O sige dyan sa CM Recto. Sandamakmak ang mga nakatayo riyan na tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau pero walang nagpapatupad ng batas sa ‘jaywalking’.

Paano ba naman kasi hindi tatawid kung saan-saan ang mga taong naglalakad dyan, e  nahaharangan ng mga sasakyan ang pedestrian lane?

Nariyan ang mga traysikel at jeepney na halos mag-terminal sa pag-aabang ng mga pasahero.

Paborito pa nila ay ‘yung mga kanto. Kung saan ang tawiran ng tao, naroon ang mga mokong na walang disiplina.

Ang mga traffic enforcer ay nakatunganga. Hindi sila hinuhuli.

Siguro’y “kaibigan” na nila ang mga tsuper ng jeep at traysikel.

Hindi na natin alam kung may tama pang tawiran ang mga kalsada dahil hindi tama ang pagpapatupad sa batas trapiko.

Nakapokus na lang kasi ang mga tauhan sa trapik ng Maynila kung paano sila kikita…kikita sa panghuhuli sa mga pribadong motorista na lumalabag sa batas trapiko.

Pero itong mga ubod nang pasaway na mga traysikel at jeepney kahit nasa tungki na ng kanilang ilong habang nakaterminal sa mga pedestrian lane ay dedma sa kanila.

@@

Isa pa sa ating napuna ay ang muling pagbabalik ng Maynila sa pagiging dugyot nito.  Naaalala natin na noong si Yorme Isko Moreno ang nasa Maynila, galit na galit siya sa mga dugyot. In fairness, naging malinis naman talaga ang ilang lugar sa Maynila noong si  Moreno ang alkalde.

Pero ngayong si Honey Lacuna ang yorme, aba’y ewan ko ba. Ang dugyot na naman. Kahit saan ka lumingon ay may basura, mga basurang iniwan ng sidewalk vendors. Naglipana pati mga dugyot na palaboy, mga isnatser at holdaper. Nakatatakot na kapag inabot ka ng madaling-araw sa Maynila mula sa trabaho dahil kung hindi ka mahoholdap ay mapapatay ka pa ng mga gumagalang krimimal.

Ang dudusing na rin ng mga underpass na ginagawang tulugan ng mga palaboy. Ang dudusing ng mga pader dahil sa mga bandalismo.

Parang walang ginagawa si Mayor Honey, gaya ng maraming inutil na chairman ng barangay. Nakalulungkot ang nangyayari sa Maynila. Napakadugyot!

Mayor, maglibot-libot ka naman!

Previous article CALOOCAN SPECIAL CHRISTMAS JOB FAIR
Next articleREGION 6 NAKASUPORTA SA CBCP

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here