Home OPINION E-TRIKE, TRICYCLE, KULIGLIG AT KALABAW

E-TRIKE, TRICYCLE, KULIGLIG AT KALABAW

NAGKUKUMAHOG ang mga nasyunal at lokal na pamahalaan laban sa mga e-trike, tricycle at kuliglig, kasama na ang kalabaw, na bumibiyahe sa mga national highway at iba pang malalaking kalsada.

May regulasyong gaya nang pagbabawal na dumaan ang nasabing mga sasakyan, kasama ang hila-hila ng mga hayop.

Pero walang multa at iba pang parusa kung may disgrasya na kasasangkutan ng mga ito.

At ito ang ngayo’y pinag-uusapan ng mga opisyal ng gobyerno.

Marahil, tama ito sa katulad ng Metro Manila na napakaraming masakyan na malalaki para sa mga pasahero at marami ang mga maliliit na kalsada sa looban na pwede nilang daanan.

Pero kung isama mo riyan ang negosyo at ang e-trike, tricycle at kuliglig ang kailangang sasakyan, pag-isipan nang husto ‘yan, lalo na kung walang kalsada sa looban na pupwedeng daanan ng mga ito.

Kaya dapat isabay ng pamahalaan ang paggawa ng mga inner road kasama ang parusa sa mga paglabag sa patakaran.

Ganito rin ang mungkahi natin sa mga lalawigan at bayan na walang mga inner road na roon daraan ang nasabing mga sasakyan.

Isa pa, dapat isaalang-alang na may mga lugar na may isang biyaheng round trip lang sa maghapon at kahit emergency walang masakyan, at sa ganitong lugar, napakalalayo rin ang mga ospital na dapat itakbo ang maysakit o nadisgrasya.

Pero meron lang akong napapansin na dapat bigyan nang mahigpit na pansin ng pamahalaan.

Marami o karamihan sa mga tsuper ng mga e-trike, tricycle o kuliglig ang walang disiplina sa kalsada, kasama na ang pagsakop nila sa mga gitna at overtaking lane at hindi sila tumatabi sa gilid ng mga kalsada kahit sanhi na sila ng sobrang bagal ng daloy ng trapiko.

Napakarami rin ang walang ilaw na lalong kailangan sa gabi dahil isa ito sa mga dahilan ng mga nakamamatay na banggaan.

Previous articleCORDS NI SEC GATCHALIAN
Next articleZubiri: Cha-cha plebiscite, Eleksyon 2025 gustong pagsabayin ni PBBM