Home METRO E-trikes bawal na sa national roads ng Taguig

E-trikes bawal na sa national roads ng Taguig

MANILA, Philippines – Naglabas ng mahigpit na guidelines ang lokal na pamahalaan ng Taguig nitong Pebrero 18 tungkol sa paggamit ng electric tricycles o mas popular at kilala bilang E-trikes para na rin sa kaligtasan ng lahat ng mga gumagamit ng kalsada sa lungsod.

Base sa inilabas na kautusan ng lokal na pamahalaan, ipinagbabawal na ang lahat ng uri ng e-trikes na magdaan sa mga pangunahing kalsada tulad ng C6, C5 at Kalayaan Avenue maliban na lamang kung tatawid ang mga ito.

Sa inilabas na kautusan ay nakasaad din na ipinagbabawal na gamitin ang mga e-trikes bilang pampasaherong transportasyon at papayagan lamang na gamitin ng pang personal.

Hindi rin papayagan ang pag-modify o pagbabago ng disenyo ng e-trike tulad ng pagkakabit ng sidecar dito habang ang lahat ng mga magmamaneho nito gayundin ang mga pasahero ay nararapat na gumamit ng helmet.

Papayagan naman na dumaan sa mga secondary roads sa Taguig ang e-trikes sa kanang bahagi ng kalsada lamang upang hindi makaabala sa mga dumadaang motorista at masiguro na rin ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.

Maaari ring dumaan sa bike lanes ang mga e-trikes ngunit sa mabagal lamang na takbo at magbibigay ang mga ito ng prayoridad sa mga siklista.

Dagdag pa ng lokal na pamahalaan na mayroong karampatang parusa ang hindi susunod sa mga nabanggit na regulasyon.

Matatandaan na naging mainit na usapin at debate ang E-trikes sa social media kabilang ang Facebook pati na rin ang paggamit ng mga ito sa mga highway at pangunahing kalsada.

Ang pagbabawal ng pagdaan ng mga e-trikes sa mga pangunahing kalsada na ipatutupad ng Traffic Management Office (TMO) at ng Land Transportation Office (LTO) ay kaugnay sa LTO Administrative Order 2 021-039 o ang “Consolidated Guidelines in the Classification, Registration and Operation of All Types of Electric Motor Vehicles.”

Para sa karagdagang kaalaman, may katanungan, reklamo o suhestiyon ay maaaring tumawag sa 02-8640-7006, o dili kaya ay magtungo sa website na http://www.tinyurl.com/TaguigEtrikeFeedbackForm. (James I. Catapusan)

Previous articleDebate sa pag-amyenda ng ‘Doble Plaka’ law, uminit sa Senado
Next articlePekeng endorso ng DOH sa gatas, suppliment ibinabala sa publiko