Home NATIONWIDE Early Childhood Education, gagawing de-kalidad ng solon

Early Childhood Education, gagawing de-kalidad ng solon

MANILA, Philippines – Matapos kumpirmahin ng Second Congressional Commission on Education’s (EDCOM II) sa isang ulat na may krisis sa sektor ng edukasyon, isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang batas sa pagpapaigting ng dekalidad na programa sa early childhood care and development (ECCD).

“Ang ECCD ang pundasyon sa edukasyon ng mga Kabataan. Gayunpaman, hindi natin naaabot ang marami sa mga kabataan at kulang na kulang tayo sa mga guro at pasilidad. Sa pagsugpo natin sa krisis ng edukasyon, mahalagang tiyakin nating mapapatatag din natin ang mga programa para sa ECCD,” ani Gatchalian.

Layunin ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), na inihain ni Gatchalian, na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng ECCD curriculum at basic education curriculum.

Sa ilalim ng panukalang batas, palalawigin ang responsibilidad ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng mga programa para sa ECCD.

Lumabas sa ulat ng EDCOM II na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education” ang iba’t ibang hamon na kinakaharap sa sistema ng ECCD sa bansa.

Ayon sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng ECCD Council, 36% o 15,207 sa 42,027 na barangay sa bansa ang may isang child development center (CDC) kada day care.

Mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act of 1990 (Republic Act No. 6972) sa lahat probinsya, lungsod, at munisipalidad na magkaroon ng day care center sa bawat barangay.

Lumabas din sa naturang ulat na may edad na o walang sapat na pagsasanay sa early childhood education (ECE) ang karamihan sa mga daycare teachers at workers.

Bagama’t 52% sa mga daycare teachers at workers na ito ang may college degree at 17% ang may high school diploma, kaunti lamang ang may pagsasanay sa ECCD.

Simula 2005, umabot lamang sa 3,993 ECE graduates o 80 kada taon ang nagmula sa mga higher education institutions na nag-aalok ng programa.

Ayon pa sa ulat, 89% ng child development teachers and workers ang nasa nonpermanent na mga posisyon at tumatanggap ng P5,000 kada buwan.

Habang ang ECCD Council ang magtitiyak sa ugnayan ng ECCD sa basic education, magiging mandato naman sa LGU na pagsikapang magkaroon ng universal coverage para sa national ECCD System sa pamamagitan ng pagtukoy at pagsuporta sa bata, magulang, at parent substitutes.

Magiging mandato rin sa LGUs na lumikha ng plantilla positions para sa child development workers at child development teachers, at isulong ang kanilang professional development. Ernie Reyes

Previous article50-anyos kalaboso sa panggagahasa ng dalagita
Next articleHINDI PAGSUNOD SA SENIOR CITIZEN AT PWD DISCOUNTS, NABISTO NG KAMARA