Home NATIONWIDE Early voting para sa seniors, PWDs isinusulong ng Comelec

Early voting para sa seniors, PWDs isinusulong ng Comelec

MANILA, Philippines – Isinusulong ng Commission on Election (Comelec) ang pagpasa sa panukalang batas na nagpapahintulot sa mga bulnerableng sektor kabilang ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) na bumoto nang maaga sa susunod na halalan.

“Nagpupursige kami ever since on early voting for senior citizens, PWDs, pregnant women and indigenous peoples. Dapat ang treatment natin sa kanila ay katulad ng media, Armed Forces of the Philipines, Philippine National Police. Dapat pinaboboto natin sila ng isang linggo man lang bago ang election,” ani Comelec Chairman George Garcia sa kanyang talumpati sa Updates on Political Party Institutionalization and the 2025 National and Local Elections conference sa The Bayleaf Intramuros nitong Miyerkoles.

Binibigyan ng Senate Bill No. 2361 ang mga bulnerableng sektor na bumoto sa mga mapupuntahang establisyimento na itinalaga ng Commission on Elections (Comelec) sa loob ng pitong araw ng trabaho bago ang petsang itinakda para sa lokal at pambansang halalan.

“Kung hindi magiging batas yan sa buong Pilipinas mag-early voting hours nalang po kami kahit yung 5 to 6 a.m., maging exclusive sa kanila, napakalaking tulong na ‘yon para sa kanila,” dagdag pa ni Garcia.

Binanggit niya na maraming mga senior citizen, PWD, at mga buntis na kababaihan ang lumahok sa pilot run para sa maagang pagboto sa mga lungsod ng Naga sa Camarines Sur at Muntinlupa sa Metro Manila noong barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong nakaraang buwan.

Tinitingnan din ng Comelec ang pagpapalawak ng mga mall voting areas sa buong bansa para sa 2025 poll, matapos ang matagumpay na pagtakbo sa pilot test noong 2023 BSKE. RNT

Previous articleBiyuda todas sa kwitis sa Bocaue
Next articleIka-apat na palapag ng Pasig City Hall nasunog!