MANILA, Philippines – Sinuportahan ng Commission on Elections ang maagang pagboto para sa vulnerable sector at internet voting para sa mga botohan sa ibang bansa.
Hinimok ni Comelec chairman George Erwin Garcia ang Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay-daan sa vulnerable sector ng bansa, ang mga matatanda at PWD, na bumoto nang hindi bababa sa isang linggo nang mas maaga kaysa sa pangkalahatang populasyon sa panahon ng halalan — tulad ng absentee voting.
Sinabi ni Garcia na habang ang poll body ay nagpatupad ng mga hakbang upang mapagaan ang problemang kakaharapin ng mga vulnerable sector sa nakaraang halalan, ito ay hindi pa rin sapat.
Nagpahayag din ng suporta ang Comelec para sa internet voting para sa overseas voters, at binanggit ang mababang voter turnout sa ibang bansa.
“Baka puwede silang mapayagan using the internet,” saad ni Garcia.
Ayon pa kay Garcia, ang Comelec ay magsasagawa ng election summit sa susunod na buwan kasama ang iba’t ibang stakeholder upang makakuha ng mga insight tungkol sa kinabukasan ng halalan sa Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden