
IPINAHAYAG ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas na kumpiyansa siya na matatanggal sa serbisyo ang bagitong pulis na pumatay sa dalawang lalaki at nakasugat sa isang babae nitong Miyerkules ng umaga sa Malabon City.
Sa ginanap na pulong-balitaan sa punong himpilan ng NPD Biyernes ng umaga, sinabi ni Gapas na malakas ang kanilang pinanghahawakang mga ebidensiya at testigo, kabilang ang nabuhay na biktimang si Baby Joy Tadiamon na positibong kumilala sa suspek na si Pat. Zenjo Del Rosario na inaresto mismo ng kanyang hepe na si P/Lt. Jonas Gato ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos mag-report sa kanilang tanggapan noon ding tanghali ng araw ng Miyerkules.