Home NATIONWIDE Economic Charter amendments maipadadala na sa Comelec bago ang Holy Week

Economic Charter amendments maipadadala na sa Comelec bago ang Holy Week

MANILA, Philippines – Bago ang lenten break ng Kongreso ay maipapasa na ang economic charter amendments at maipapadala na rin ito sa Commission on Elections (Comelec).

Ito ang inihayag ni Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales ukol sa target na timeframe sa pagpasa sa economic Cha-cha.

Ayon kay Gonzales, hindi sa Office of the President isusumite ang naipasang amendments kundi sa Comelec para sa pag-iskedyul ng plebisito.

“Comelec will schedule a plebiscite for the ratification. The President has no participation in the process of amending the Constitution,” paliwanag ni Gonzales.

Sinabi ni Gonzales na mismong mga senador na din ang nangako kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na aaprubahan nito ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 bago ang Holy Week.

Ani Gonzales, ang RBH No 6 ng Senado ay “exact replica” ng RBH No 7 ng Kamara kaya sa oras na maipasa ito sa Senado ay aprubado na rin agad sa Kamara.

“Ang ginawa ng House ay salubungin na para kung magkaka-agree before the Lenten break, meron na kaming pareho – kung ma-approve ng Senate ang version nila…pareho naming ma-approve ‘yan by the required, necessary votes…then puwede na naming padala ‘yan sa Comelec. Para ang Comelec ngayon ay mag-schedule na ng plebesito,” paliwanag ni Gonzales.

Nilinaw nito na ang pagpasa sa RBH No. 7 ay pareho rin ng pagpasa sa isang panukala.

Upang mapabilis ang pagpasa sa RBH No 7 ay magcoconvene ang Kamara bilang Committee of the Whole.

“Para din itong pagtalakay ng isang normal na bill. Dumadaan sa three readings…Pareho din ‘to, except this involves the amendment of the Constitution… ordinarily, nire-refer sa committee on constitutional amendment, pero nothing prevents the House from exercising it’s discretion to constitute a committee of the whole para… lahat can participate,” ani Gonzales.

Sa oras na makumpleto ang deliberasyon ng Committee of the Whole ay isasalang agad ang RBH No. 7 sa plenary para sa final voting.

Ani Gonzales walang magiging pagbabago sa bersyon ng Senado at Kamara hinggil sa economic provisions dahil ang RBH No 6 at RBH No 7 ay walang pinagkaiba.

Sa ganitong hakbang umano ay maiiwasan na ang pagtatalo sa pagitan ng mga mambabatas at mga senador gayundin na magkaroon ng delay sa pag apruba nito. Gail Mendoza

Previous articleBagong Pilipinas Serbisyo Fair, umarangkada sa Sultan Kudarat
Next articleBabaeng sangkot sa child pornography pinatawan ng lifetime imprisonment, multang P2M