Home Uncategorized EDAD 60 PATAAS, MAGPAREHISTRO SA BAGONG TATAG NA KOMISYON

EDAD 60 PATAAS, MAGPAREHISTRO SA BAGONG TATAG NA KOMISYON

BAHAGI ng buhay ng tao ang pagsapit sa kanyang “senior age” o pagtanda. Dito sa Pilipinas, may 9.22 million ang nasa edad na 60 pataas, ayon sa datus ng PSA o Philippine Statistics Authority. Hindi biro at hindi madali ang pagsapit sa ganitong edad, kaya naman, pinag-uukulan ito ng atensiyon ng mga eksperto sa tinatawag na “Gerontology”.

Ito ay ang pag-aaral ng social, psychological at biological na aspekto ng pagtanda. Kaiba ito sa Geriatrics o ang pag-aaral ukol sa mga sakit ng mga nakatatanda. Binubuo ito ng tatlong sangay, ang Biogerontology, Medical Gerontology at Social Gerontology, na kapwa nagsasaliksik hinggil sa kadahilanan, mga sakit na kaugnay, at epekto sa lipunan ng pagtanda, maging sa kani-kanilang mga sariling pangangatawan at sa pamilya.

Sa ating bansa, narito ang mga hinaharap na suliranin kasabay ng pagtanda – ang security in old age, pagkakaroon ng iba’t ibang porma ng pang-aabuso, ang kalagayang pangkalusugan, at ang epektong pang-ekonomiya nito.

Kahirapan ang isa sa mga mabibigat na isyung kinahaharap ng sektor ng mga nakatatanda. Ngunit ginagarantiya ng 1987 Constitution ang pangangalaga ng estado sa mga pangangailangan ng mga nakatatanda.

Sa mga nakalipas na panahon, unti-unti nang bumubuti ang serbisyong hatid ng GSIS o Government Service Insurance System, SSS o Social Security System at PVAO o Philippine Veterans Affairs Office. Nawa ay magpatuloy pa sa pagpapadali ng paghahatid ng pensiyon sa ating mga nakatatanda.

Nakagugulat na sa ating lipunan ay may nagaganap na pang-aabusong pisikal, psychological, financial exploitation, at neglect sa ating mga nakatatanda. Ngunit sa pag-aaral lumalabas na 27.5% ng mga nakatatanda ang dumanas ng pang-aabuso mula sa komunidad o sa kanilang mismong kapamilya o kaanak.

Kasabay rin ng pagtanda ang pagkakaroon ng mga karamdaman, nariyan ang coronary heart disease, Alzheimer, rayuma, panlalabo ng paningin, osteoporosis, paghina ng pandinig, at pagbagal sa kilos ng katawan, at marami pang iba.

Ngunit patuloy na pinapahalagahan ng bansa ang kontribusyon ng mga nakatatanda sa pagbubuo ng bansa. Kaya naman, may mahahalagang batas na naipasa at umiiral sa ngayon, ang Republic Act 7876 (Act Establishing A Senior Citizens Center in All Cities and Municipalities), ang R.A. No. 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010) o ang mas pinabuting pribilehiyo para sa mga nakatatanda sang-ayon sa R.A. Nos. 7432 at 9257.

Naisabatas na rin ang R.A. No. 11916 na nagkakaloob ng P1,000 pesos na social pension sa mga mahihirap na matatanda. Nagsimula na itong ipamahagi ngayong taon at nasa 4.1 million ang nasa listahan ng DSWD o ng Department of Social Welfare and Development.

Mahalagang bahagi pa rin ng ating lipunan ang mga nakatatanda, kaya naman ang kanilang mga pangangailangan ay dapat na bigyang-pansin at malalimang intindihin para sa kapakanan hindi lamang ng kanilang sektor kundi ng bansa.

Sa tamang oportunidad at programa, maaari pa rin silang maging kapaki-pakinabang na mga mamamayan lalong-lalo na sa mga simpleng kaparaanan. Tayo sa ating mga pamilya ay dapat na magkaroon ng malawak na pag-aaral bilang paghahanda sa pagtanda at maging sa mga paaralan.

Kaugnay nito, ang National Commission of Senior Citizens ay nananawagan sa lahat ng mga nakatatanda na magparehistro sa bagong tatag na komisyon. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng online application, tunguhin lamang ang www.ncsc. gov.ph o mag-fill-out ng Senior Citizen Data Form at ipadala sa NCSC o sa pamamagitan ng email na ph.ncsc @gmail.com.

Previous articleALAMIN: 19 kalsada isasara ‘gang Lunes!
Next articleWALA NANG IBANG MASISISI

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here