Home OPINION EDUKASYONG KULELAT

EDUKASYONG KULELAT

MAHIGPIT nating sinusubaybayan ang edukasyon ng mga kabataang Pinoy.

At kabilang sa sinusubaybayan natin ang Programme for International Student Assessment (PISA) na isinasagawa sa maraming bansa ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD).

Nitong 2022, sumali ang Pilipinas sa pagsusulit o sarbey, kasama ang 81 bansa mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Oks naman dahil umangat tayo nitong 2022 kumpara noong 2019.

Noong 2019, pinakakulelat sa 79 bansa ang Pilipinas sa reading o pagbabasa at pangalawa sa pinakakulelat sa mathematics and science.

Nitong 2022, mga Bro, aba, umangat ang mahal kong Pinas bilang pang-anim sa pinakakulelat mula sa kabuuang 81 bansang sumali.

Kulelat pa rin pero pang-anim na. Hehehe.

Anyare?

Rason ng gobyerno, nauugat iyon sa pananalasa ng Covid-19 na ikinasama ng edukasyon sa lahat ng bansa.

Tama naman pero hindi rin ba mali?

Ang PISA exam umano nitong 2022, eh, nagmula sa panahong walang face-to-face na klase kaya medyo nabobo ang mga bata at may hang-over pa sa pandemya.

Pero tanong ng ating Uzi, nang magkaroon ng sarbey-pagsusuri ang PISA noong 2019, may Covid-19 na ba?

Bakit mas kulelat noong 2019 ang Pinas kesa nitong 2022?

MAGANDANG ‘DI MAGANDANG BALITA

Heto pa ang isang balita na maganda pero tila hindi rin maganda.

Sa pagdinig sa Senate Committee on basic education sa ilalim ni Senator Sherwin Gatchalian kamakailan lang, sinabi ni DepEd National Capital Region Director Jocelyn Andaya na may pumasa sa PISA-2022 survey na isang public school at limang private school mula sa 21 eskwelang sumali sa NCR.

Benigno S. Aquino High School sa Makati City ang public school ngunit nakapanghihinayang na hindi binanggit ni Ma’am Andaya ang limang pribadong eskwelang pumasa rin.

Ano naman kaya ang balita mula sa ibang mga rehiyon?

Alalahaning may 7,193 estudyante mula sa 188 schools ang sumali at kinatawan nila ang nasa 1,782,900 estudyanteng nasa edad 15.

Tiyak namang may mga pumasa rin mula sa natitirang 167 eskwela, ngunit sino-sino sila at ano-ano ang mga iskul nila?

NAKALULUNGKOT TALAGA

Masaya na rin tayo sa pag-angat ng ranggo ng mga kabataan natin kumpara sa iba pero nakikiisa tayo sa naramdamang lungkot ni Vice President/DepEd Secretary of Education Sara Duterte sa kalagayan ng edukasyon sa Pinas.

Ang susunod na mga hakbang para umangat-angat naman ang kalidad ng ating edukasyon ang siyang dapat na gawin ngayon hindi pa para ipakita sa OECD ang galing ng mga kabataang Pinoy kundi pangunahing para sa ikauunlad ng ating buong bayan.

Inaasahan ang bagong programa ng DepEd na Matatag Curriculum na maghahatid ng mas mataas na antas ng karunungan at nakasandal sa mga prinsipyong “make relevant, accelerate services, take care of learners at give support to teachers.

Kasama rito ang malaking pagbabawas sa aralin ng mga bata at trabahong administratibo ng mga guro at pukpukang training sa mga guro.

Pero sana naman, hindi mahahaluan ito ng pagiging adik at kawalang-tulog ng kinder, elementary at high school students sa mga palaro at pasugal sa online.

Previous articleKUNG HEI FAT CHOI
Next articleAmihan, easterlies magpapaulan sa ilang bahagi ng Pinas