MANILA, Philippines – Magsasagawa ng ocular inspection ang joint Senate committee sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte, “to produce a very credible committee report,” sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Biyernes, Oktubre 6.
Ang abiso ng ocular inspection ay inilabas ng opisina ni Dela Rosa, at itinakda ito sa Oktubre 14.
“[We will conduct an ocular inspection] to see for ourselves the real situation in the area. We cannot just produce a very credible committee report without having an actual, real time grasp of the area,” pagbabahagi ni Dela Rosa.
Si Dela Rosa, chairperson ng Senate public order and dangerous drugs committee, ang nangunguna sa pag-iimbestiga ng Senado sa umano’y pang-aabuso ng kulto sa lugar.
Kasama sa imbestigasyon ang Senate Women, Children, Family Relations and Gender Equality panel na pinangungunahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.
Ani Dela Rosa, susubukan nilang makipag-usap sa mga residente ng Sitio Kapihan upang malaman kung ano talaga ang nangyayari sa lugar.
Sa ngayon, ang mga makakasama ni Dela Rosa sa pagbisita sa lugar ay sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Sherwin Gatchalian at Senator Francis Tolentino.
Magpapadala naman ng staff members si Hontiveros.
Matapos ang ocular inspection, inaasahan naman na magdaraos ng isa pang pagdinig ang Senado kaugnay sa isyu.
Sinisilip ng joint Senate panel ang umano’y operasyon ng shabu laboratory sa lugar, alleged systematic rape, sexual abuse, trafficking, forced labor, at child marriage sangkot ang Socorro Bayanihan Services Inc. RNT/JGC