TUMAAS bigla ang stress level ko nang marinig ko ang komento ni Defense Secretary Carlito Galvez sa Senate hearing noong isang araw. Aniya, suportado niya ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps sa mga eskwelahan, dahil makakatulong daw ito sa mental health ng kabataan.
Hello! Pwede ba?
Hindi man ako dumaan sa ROTC noong college ako, nakatikim din ako ng Citizen’s Army Training sa high school, kaya alam ko na nasayang ang oras, pera at pagod naming mga kabataan sa pagmamartsa ng atras abante at bibilad sa araw noon. Feeling ko lang cute kaming high school girls noon, kasi naka-white gloves at matching white socks at Keds sneakers sa faded fitting jeans na get-up.
Pero lahat ng kaibigan ko noong college, isinusumpa ang ROTC. Paanong makatutulong sa mental health ang bulyawan ka palagi ng officers mo, masunog ang balat dahil buong araw lang kayong nakatayo habang pawis-pawis sa Type A uniform n’yo? At imbes na nagpapahinga ka o nagre-review dahil araw ng Linggo, pakiramdam mo sayang lang ang buong araw mo sa lintek na ROTC.
At lalo lang tataas ang anxiety mo dahil alam n’yong lahat na yong may mga pera na ayaw umitim at ayaw sigawan ng bullshit ng feeling importanteng officer, hindi na lang mag-e-enroll sa ROTC kasi babayaran na lang nila pag 4th year o graduating na sila.
Buo ang respeto ko kay Sec. Galvez, lalo na nga at epektibong lider s’ya noong pangunahan niya ang Inter-Agency Task Force para tugunan ang COVID-19 pandemic. Pero hindi ko kayang matanggap ang komento n’ya na makakatulong sa mental health ang ROTC. Malayo sa katotohanan ang pananaw n’yang ito.
Hindi rin naman yata s’ya ekserto sa sikolohiya o child development o kahit na sociology man lang para bigyan ng bigat ang kanyang obserbasyon. Nakakuha na nga sana ng kakampi si Sen. Bato dela Rosa, pero kumbaga sa hukuman, irrelevant ang opinyon ng tagapag-salita, dahil nga hindi s’ya eksperto sa usapin.
Sa mga senador natin, nanawagan ako na pag-isipan nilang mabuti bago isabatas ang Mandatory ROTC.