MANILA, Philippines- Gumagawa na ng roadmap ang Department of Transportation (DOTr) para sa paglipat ng transport sector sa electric vehicles.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang paglipat mula sa gas-fueled na transportasyon patungo sa mga electric vehicle ay “kailangan ngayon nang higit pa kaysa dati.”
Ayon pa kay Bautista sa Makati Business Club Forum na nais nilang magkaroon ng isang green transport system nang mas maaga.
Hinihiling din aniya ng DOTr sa mga transport operator na sa halip na magpatakbo ng Euro 5 at Euro 6 na makina na mas mababa ang air hazard emissions, maaari silang gumamit ng full electric dahil ito ang magiging daan sa isang kabuuang green transport system.
Isinasaalang-alang din ng DOTr ang pagbibigay ng tax incentives at soft loan sa mga transport operator upang matulungan silang lumipat sa mga electric vehicle.
Isinusulong din ng DOTr ang PUV Modernization Program (PUVMP), na naglalayong palitan ang mga tradisyunal na jeepney ng mga sasakyan na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon.
Nauna nang naglabas ng Executive Order No. 12 si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naglalayong babaan ang tariff rates para sa mga electric vehicle at mga bahagi nito mula 5 hanggang 30% hanggang sa maamyendahan ng 0%.
Sinabi naman ng Department of Trade and Industry na Ang implimentasyon ng nasabing EO ay magpapalusog sa lokal na industriya ng mga electric vehicle at makatutulong sa paghimok sa mga Pilipino na gumamit ng “mas malinis na paraan ng transportasyon.” Jocelyn Tabangcura-Domenden