Home METRO EMBO barangays libreng lumahok sa Lingkod Bayan Caravan ng Makati

EMBO barangays libreng lumahok sa Lingkod Bayan Caravan ng Makati

MANILA, Philippines- Sa kabila ng paglalagay Korte Suprema sa hurisdiksyon ng Taguig sa  10 EMBO barangays na kinabibilangan ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Northside, Southside, at Rizal ay maaari pa ring sumali sa Lingkod Bayan Caravan ng Makati ang mga residente nito na magkakaroon ng iskedyul sa ilang piling barangay na gaganapin tuwing Sabado.

Ito ang sinabi ni Makati City Mayor Abigail “Abby” Binay na nagsabing simula sa Pebrero 12 ay pinalawig pa ang operasyon sa apat na barangay health centers na kinabibilangan ng Bangkal, Poblacion, Kasilawan at Guadalupe Nuevo kung saan magsisimula ang operasyon dito ng Lunes hanggang Biyernes ng alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi upang mas mapagsilbihan pa ang mga residente ng Makati pati na rin ang mga residente ng EMBO.

Iniaalok sa Lingkod Bayan Caravan ng Makati ang libreng checkups, x-ray, ECG, FBS, blood typing, at libreng medisina, pagbabakuna sa mga alagang hayop, pet microchipping, legal aid, job fair, at assistance mula sa Meralco at Manila Water.

Sinabi ni Binay na ang senior citizens na may mga senior citizen cards mula sa EMBO barangays ay makapagpapatuloy na rin ng kanilang libreng laboratory, imaging, at diagnostic services sa Ospital ng Makati (OsMak) na naaayon sa Universal Health Care Law of 2019.

Paliwanag pa ni Binay, kanya ring ipinag-utos sa lahat ng concerned frontline offices ng lokal na pamahalaan na pagsilbihan na rin ang mga residente ng EMBO sa mga caravans na nakaiskedyul sa buong taon.

“Although these barangays are no longer under Makati’s jurisdiction, the city is still dedicated to ensuring the well-being of all residents, past and present,” ani Binay.

Sinabi ni Binay na bagama’t hindi na nakapailalim sa pangangalaga ng Makati ang EMBO barangays ay nararamdaman niya na responsibilidad pa rin ng lokal na pamahalaan ang pagsisilbi sa pangangailangang pangkalusugan ng mga residente nito.

Bukod pa sa libreng access sa serbisyo ng Lingkod Bayan Caravan, sinabi pa ni Binay na mabebenipisyuhan pa rin ang EMBO residents sa pagsasagawa ng medical missions upang mas marami pa ang mapagserbisyuhan sa pangangailangan ng laboratory at diagnostics na malaking tulong sa mga gastusing medikal ng mga dating Makatizens.

“We also encourage EMBO residents to take advantage of the free consultations at all Makati health centers and OsMak. They can go to the nearest health center to schedule an appointment,” pagtatapos ni Binay. James I. Catapusan

Previous article10 nasagip sa distressed boat sa Romblon 
Next article1,500 pulis ipakakalat sa pagdiriwang ng Chinese New Year – MPD