Home NATIONWIDE Employers kay PBBM: PhilHealth contribution hike ipagpaliban

Employers kay PBBM: PhilHealth contribution hike ipagpaliban

MANILA, Philippines – Umapela ang mga employer kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpaliban ang pagpapataas ng contribution o premium rate ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa liham sa Pangulo, sinabi ng mga grupo ng employer at negosyo na, “[W]e humbly propose that PhilHealth momentarily redirect its focus on service enhancement, delaying the hike until 2025.”

Pumirma sa liham sina Employers Confederation of the Philippines chairman Edgardo Lacson, Philippine Chamber of Commerce and Industry president Enunina Mangio, at Philippines Exporters Confederation president Sergio Ortiz-Luis Jr.

“This temporary reprieve would provide much-needed relief to the majority of vulnerable micro and small establishments, as well as Filipino workers who find it challenging to comply with the proposed premium hike, especially with the rising prices of commodities,” sinabi ng employers groups.

Nitong Miyerkules ng umaga, Pebrero 28, sinabi ni Marcos na pinag-aaralan pa nito ang premium rate hike mula 4% patungong 5%, na iiral ngayong taon, sa pamamagitan ng cost-benefit analysis perspective.

Inaasahan na maglalabas ng desisyon ang Pangulo kaugnay nito.

Noong Biyernes, sinabi ni PhilHealth president and CEO Emmanuel Ledesma Jr. na ang pagtaas sa premium rate ay hindi sususpendihin dahil hindi naman tutol si Marcos dito.

Binanggit ni Ledesma ang sulat mula sa Office of the President, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na nagsasabing “they pose no objection to the scheduled increase which was implemented on January 1st” matapos ang “very thorough study.”

Matapos ang anunsyo ng PhilHealth chief, nilinaw ng Palasyo na pinag-aaralan pa ni Marcos ang usapin.

Dahil dito, sinabi ng employer groups na sila ay “hopeful for positive developments under your esteemed leadership.”

Nagpahayag din ng suporta ang mga grupo sa panawagan ni Health Secretary Teodoro Herbosa na nagsisilbing Chairperson ng ahensya, na suspendihin ang 5% premium increase ngayong 2024.

“The secretary has stated that the proposed action would not significantly impact PhilHealth’s financial standing, considering that the agency has sufficient funds to continue providing benefits and services to its members,” sinabi ng grupo.

“Notably, PhilHealth president and chief executive officer Emmanuel Ledesma has affirmed this claim, stating that even if the said proposal is implemented, PhilHealth’s fund will not be depleted,” dagdag pa.

Epektibo Enero 1, ang premium rate ay tumaas ng 5% habang ang monthly basic salary ceiling ay tinaasan sa P100,000 at ang minimum ay nananatili sa P10,000. RNT/JGC

Previous articleKaso ng dengue sa Iloilo, tumaas kasabay ng El Niño
Next articleE-bikes, e-trikes bawal na sa national roads sa Metro Manila