MANILA, Philippines- Nadiskubre sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na sinalakay kamakailan sa Las Piñas City sa umano’y human trafficking ang sarili nitong “entertainment complex,” ayon sa ulat nitong Miyerkules.
Ipinakita ng Philippine National Police (PNP) ang bahagi ng sinalakay na compound sa media upang patunayan na sangkot din umano ang POGO hub sa iba pang aktibidad bukod sa online gambling.
“Kaya natin ito ni-raid, kasi meron tayong reason to believe na involved sila sa love scam. Mga investment scam, nag hi-hide sila sa guise ng legitimate POGO,” pahayag ni PNP Anti-Cybercrime Group spokesperson Police Captain Michelle Sabino.
Sa loob ng entertainment complex ay makikita ang malalaking silid ng nightclubs, kung saan umano nagpapahinga ang mga lalaking empleyado ng offshore firm.
Natagpuan din sa POGO compound ang tinatawag na “romance room” na pinaniniwalaan ng mga pulis na site ng tinatawag na ”love scam,” ang dormitoryo ng mga empleyado, medical at dental clinic, ticketing office, bayad center, grocery shop, seafood market, at food court.
“‘Yung mga Pinoys, they are allowed to go out. ‘Yung mga foreign nationals aren’t allowed to go out, but meron silang incentive, ‘pag maganda performance nila, pwede silang lumabas but may kasama,” sabi ni Sabino.
Noong Hunyo 27, ikinasa ng mga awtoridad ang search warrant dahil sa umano’y human trafficking situation. Iniulat ng mga pulis na 1,534 Pilipino at 1,190 dayuhan ang nasagip sa nasabing raid, na kinabibilangan ng apat na Chinese at tatlong Taiwanese nationals na nadiskubreng mga pugante pala.
Hawak na ng Bureau of Immigration ang mga naarestong dayuhan, na kasalukuyang hinihintay ang deportasyon.
Samantala, mahigit 1,000 empleyado ang nananatili sa POGO firm dahil tinutukoy pa ng BI kung wanted sila sa kani-kanilang bansa.
Nahuli ang limang indibidwal sa nasabing insidente subalit ayon sa mga pulis ay maaari pa itong madagdagan.
Tumangging magkomento ang establisimiyento ukol dito. RNT/SA