Home NATIONWIDE Environmentalists: ‘Surveillance’ ng gov’t patuloy pa rin sa kabila ng SC protection...

Environmentalists: ‘Surveillance’ ng gov’t patuloy pa rin sa kabila ng SC protection order

MANILA, Philippines- Inihayag nina Anti-Manila Bay reclamation activists Jonila Castro at Jhed Tamano na tinitiktikan pa rin sila ng gobyerno sa kabila ng temporary protection order na iginawad sa kanila ng Supreme Court.

Sina Castro at Tamano ang dalawang environmentalists na nagsabing dinukot sila ng militar noong nakaraang taon habang nagsasagawa ng field research sa Bataan.

Nahaharap din sila sa oral defamation case na inihain ng Department of Justice sa Dona Remedios Trinidad Municipal Trial Court.

Nagtungo sina Castro at Tamano sa Court of Appeals nitong Huwebes ng umaga para sa preliminary conference sa kanilang petisyon pra sa writs of amparo at habeas data na iginawad ng Supreme Court noong nakaraang linggo.

 “Sa ngayon talaga hindi namin nararamdaman na may protection order kaya ang hiling talaga namin sa Court of Appeals maging mabilis ang mga proseso, susundin namin ang proceedings pero sana talaga sumide ang Court of Appeals sa mga biktima at bigyan na kami ng permanent protection order,” ani Castro.

 “Mula pagkaalis namin mula sa mga militar meron na talagang banta sa amin mula pa lang sa mga pahayag ng mga government officials patungkol sa amin at patungkol na rin, sinasabi online tungkol sa amin,” ayon naman kay Tamano.

Inilipat ang preliminary conference sa Lunes dahil magsusumite pa ang respondent, ang Armed Forces of the Philippines, ng kanilang posisyon sa writs of amparo at habeas data, ayon kay Atty. Dino de Leon, abogado nina Tamano at Castro.

 “So yung initial writ na grinant na inorder yung respondents na maglabas ng return pero yung ihi-hear ang testimony for the issuance of permanent protection order at production order for the habeas data, yun ang kailangang i-hear kasi alalahanin natin ang Supreme Court hindi iyan trier of facts so kailangan pa rin ma-put on record yoong testimonya nila Jhed and Jonila at ibang witnesses at bigyan yung respondents to cross-examine,” pahayag ni de Leon.

Inihayag naman nina Castro at Tamano na napipigilan sila ng grave oral defamation case na inihain ng gobyerno na paglaanan ng oras ang mga komunidad na ipinaglalaban nila.

 “Kung hindi po nangyari ang lahat ng ito nandon po sana tayo sa mga communities dahil sa balita po namin ngayon lumalala na ‘yung mga problema sa Manila Bay kung saan po kami nanggaling. Hindi po kami makabalik ngayon pero marami po ang nagsasabi ngayon na patuloy pa rin ang kahirapan sa community ng mga mangingisda,” giit ni Tamano.

 “Ang hirap na nga ng kalagayan ng mga mangingisda ang nagiging sagot pa sa kanila ay panunupil, mas lalo itong dahilan para sumama tayo sa laban nila, gayundin sa iba pang komunidad na biktima ng mga proyekto,” sabi naman ni Castro.

 “Actually inspirasyon sila sa maraming mga kabataan para pagsilbihan natin ang mga marginalized communities at maisulong natin ang pagbabago sa bansa, crucial na lumubog tayo sa mga komunidad puntahan sila physically makipamuhay sa kanila,” ayon kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel. RNT/SA

Previous articleDSWD ‘top performing agency’ sa OCTA survey
Next articlePrivate schools ‘di mandatoryong magpalit ng school calendar