Home NATIONWIDE Epekto ng ‘extreme heat’ sa klase, tatalakayin sa Senado

Epekto ng ‘extreme heat’ sa klase, tatalakayin sa Senado

MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa pagdinig ang Senate Committee on Basic Education sa Abril 30 upang talakayin ang epekto ng matinding init sa klase at pagpapatupad ng Alternative Delivery Modes (ADMs), ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Binalikan ni Gatchalian ang insidente kung saan sinuspinde ang klase sa maraming lugar dahil sa matinding init.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring umabot sa extreme danger heat index o 52° Celsius pataas ang temperatura sa ilang lugar sa bansa dahil sa El Niño.

Una nang binigyang diin ng Department of Education (DepEd) na sa panahon ng sakuna o kalamidad, kabilang ang matinding init, maaaring magsuspinde ang mga punong-guro ng face-to-face classes at magpatupad ng blended learning.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 037 s. 2022, maaaring magpatupad ng modular distance learning, mga performance task, o make-up classes kapag nagsuspinde ng klase.

Bagama’t maaaring magpatupad ang paaralan ng blended learning, binigyang diin ni Gatchalian na may hamon pa sa paggamit ng ADMs.

Kabilang na rito ang kawalan ng maayos na internet sa ilang bahay. Nahihirapan din aniya ang ilang magulang na suportahan ang anak sa pagpapatupad ng blended learning.

“May magulang na hindi masyadong sang-ayon sa online or blended learning dahil hindi natututo ang kanilang anak at mismong magulang din ang sumasagot sa textbook o workbook nila.

Lumalabas na mas pabor pa rin ang maraming magulang sa face-to-face classes.

Gayunpaman, maraming nag-suspend ng klase nitong mga nakaraang araw dahil sa sobrang init ng panahon. Ang lahat ng ‘yan ay babalansehin natin,” ani Gatchalian.

Bagama’t sinimulan na ng DepEd ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar na magsisimula sa Hunyo, hinimok ni Gatchalian ang ahensya na pag-aralan kung maaari pang magpatupad ng mas maikling transition period. Ernie Reyes