Home OPINION EPEKTO NG SHEAR LINE AT LPA MATINDI

EPEKTO NG SHEAR LINE AT LPA MATINDI

LIBO-LIBONG kabahayan ang inilubog sa baha mula sa Kabikolan,Visayas at Mindanao bunsod nang walang puknat na pagbuhos ng ulan dulot naman ng ‘Shear line’ at ‘Low Pressure Area’ na namataan sa karagatan ng Surigao.

Ilang araw din na suspendido ang klase sa ilang lalawigan ng naturang mga rehiyon dahil na rin malalakas at hindi maawat na pagbuhos ng ulan kung saan hindi makapasok ang mga estudyanteng binaha rin ang pangunahing mga kalsada rito.

Bukod pa riyan ang pansamantalang pagkatigil ng hanapbuhay ng mga mangingisdang nakatira sa baybaying dagat na mga lugar dahil sa malalaking alon na ilang linggo na rin dahil sa ganitong sama ng panahong karaniwan nang dumarating tuwing Nobyembre hanggang Pebrero ng susunod na taon.

Ganito rin ang nararanasan ng mga pobreng magsasakang inilubog ang mga palayan at taniman ng mga gulay bunsod sa walang tigil na pagbuhos ng ulan.

Bagaman agarang namamahagi ng pagkain at tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development o DSWD subalit ang mga kalamidad na ito ang mas lalo pang nagbabaon sa lugmok na kalagayan ng mga itinuturing na ‘marginalized’ na sektor ng lipunang kailangan ngayon na kalingain ng gobyerno upang hindi mapag-iwanan.

Kaya naman patuloy na nakatutok ang kasalukuyang administrasyon sa pagpapalakas ng agrikultura sa bansa dahil silang mga magsasaka ang itinuturing na ‘supplier’ ng pagkain mula sa kanayunan hanggang kalunsuran na madalas ibinabagsak kapag tinatamaan ng kalamidad.

Ramdam ni Pangulong Bongbong Marcos na kapag patuloy na inaayudahan ang sektor na ito lalo sa panahon na tinatamaan sila ng malalakas na bagyo, hindi rin matitigil ang suplay ng pagkain sa mga merkadong tumataas lang ang presyo ng mga bilihin kapag malaki ang pagkasira sa mga pananim dulot ng ganitong kalamidad.

 

 

 

Previous articleBAHA AT BYAHE
Next article175 dagdag-kaso ng COVID naitala