MANILA, Philippines- Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na parusahan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa mga naantalang proyekto ng transmission na nakaaapekto sa suplay ng kuryente sa bansa.
“Lubos kong iminumungkahi sa komisyon na ipatupad ang mga multa at parusahan ang NGCP para mabigyan ito ng disiplina. Wala tayong nakikitang disiplina dahil marami sa kanilang mga proyekto ay naaantala,” ani Gatchalian, patungkol sa mga proyekto ng NGCP na naantala kabilang ang mga backbone projects nito.
Sa katatapos lang na pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Energy, ibinunyag ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta na ang pagkumpleto ng humigit kumulang 66 na transmission projects ay kasalukuyang naantala, wala pa rito ang anim na proyekto na itinuturing na “of national significance.”
“Ang punto dito ay naantala ang mga proyekto at ano ba ang mga parusa para dito dahil hindi natin pwedeng ipagsawalang bahala ito. Walang napaparusahan kasi walang ipinapataw na parusa. Ang mga naantalang proyekto ay nakaaapekto sa buong industriya ng kuryente at nagdudulot ng panganib para sa kinabukasan ng bansa,” diin ni Gatchalian.
Hinimok din ng mambabatas ang ERC na repasuhin ang rate-setting methodology pagdating sa transmission projects ng NGCP.
Advertisement