MANILA, Philippines – Nagkasundo sina WBC, WBA, at IBF world welterweight champion Errol Spence Jr. at WBO world welterweight champion Terence Crawford na maglaban sa Hulyo 29 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas ayon sa ulat.
Parehong magkakamit ng walong numero sina Spence (28-0, 22KOs) at Crawford (39-0, 30KOs) na mayroong rematch clause.
Ang pinakahihintay na showdown ay ipapalabas sa Showtime pay-per-view, ayon pa sa ulat.
Huling sumabak sa aksyon ang 33-anyos na si Spence noong Abril 2022 laban kay Yordenis Ugas kung saan nanalo ito sa pamamagitan ng technical knockout sa round ten.
Samantala, nakalaban ni Crawford si David Avanesyan noong Disyembre at nanalo sa pamamagitan ng knockout sa round six.JC