RAMON, ISABELA- Posibleng habambuhay na pagkakabilanggo ang kaharapin ng isang estudyanteng akusado sa panggagahasa matapos maisilbi ang kanyang warrant of arrest sa ilalim ng Oplan Pagtugis na tinaguriang Top 1 Most Wanted Person municipal level sa Purok 4, Barangay San Antonio, Ramon, Isabela.
Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Christopher Danao, hepe ng Ramon Police Station kay PCol. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ay base sa isang mandamiento de arresto ay kinilala ang akusadong si Jason Evangelista, 21-anyos, binata at residente ng Brgy. San Antonio, Ramon, Isabela.
Ito ay bunga ng matagumpay na pagsasagawa ng operasyon ng mga operatiba na pinamumunuan ni PMaj. Danao, base sa isinilbing warrant of arrest na inisyu ni Hon. Nicasio Brillantes Bautista III, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 21, Santiago City, Isabela, kaugnay ng kaso ng Rape (RPC ART 266-A), na naka-docket bilang Criminal Case 21-14448-FC noong ika-31 ng Agosto ng kasalukuyang taon.
Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso, kaya’t pansamantalang nasa kustodiya ng Ramon Municipal Police Station ang naturang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Samantala, sa epektibong pagpapatupad sa sinumpaang tungkulin, patuloy na nananawagan si PMaj. Danao na suportahan ang mga programa ng kapulisan laban sa iba’t ibang uri ng krimen at ilegalidad sa pamamagitan ng tamang pagbibigay ng impormasyon sa pulisya. Rey Velasco