Home OPINION ETO NA NAMAN

ETO NA NAMAN

UMALINGASAW na naman ang pagtatangka ng ilang mga grupo na isulong ang charter change o cha-cha. Ilang mga Kongresista mula sa Bicol at sa Kabataan partylist ang nagsiwalat ng mga report na umiikot daw ang mga petisyon at nangangalap ng pirma ng mga botante.

Ang petisyon daw ay para umpisahan na ang talakayan sa Kamara de Representates at sa Senado na baguhin ang Saligang Batas.

Ang medyo bago lang sa galawang ito ay mukhang gagamitin ang porma ng “People’s Initiative” o pagkukusa ng mga mamamayan para pagkaroon ng pag-amendya sa Konstitusyon. Maganda sana ang intensyon ng isang “people’s initiative”, kung totoo nga na ito ay nanggagaling sa kagustuhan ng mas nakararaming mga Pilipino.

Pero tingin ko, hindi ito pagkukusa ng mga mamamayan, kundi “pagkukusa ng mga pulitiko”.

Bakit ko nasabi ito?

Sa mga balitang nasagap ko, meron daw bayad ang pagpirma sa petisyon. Isandaang piso sa bawat pipirma. Sa isa naman video na kumakalat sa social media, hinihikayat ang mga tao na pumirma sa petsisyon, dahil hiling daw ito ni Kongresman, at utang na loob ng mga tao ang TUPAD program kay Kongressman, kaya maganda raw na pumirma na sila.

Kwento naman ni Albay Rep. Edcel Lagman, kumakalat sa distrito n’ya sa Bicol ang nasabing petisyon at nababahala s’ya na ito ay isinusulong na walang malinaw na pagpapaliwanag sa mga tao kung ano ang ibig sabihin at epekto nito sa mga tao at sa buong bansa. Suspetsa ko, baka sa ibang lugar, nakatali pa ang pagpirma sa pagtanggap ng ayuda ng mga tao.

Kung “pagkukusa ng mga tao” ang petisyon, bakit may bayaran na nangyayari? Bakit palihim at hindi lantaran ang pagsusulong nito? Bakit kailangang i-ugnay ang pagpirma sa petisyon sa ibang programa ng gobyerno na galing sa buwis at hindi naman talaga bigay ng mga Kongressman?

Mga tanong na kung iisipin natin mabuti, may mga madilim na balakin na niluluto ang maraming pulitiko. Minamadali at palihim ang mga diskarte ng mga gustong baguhin ang Saligang Batas natin.

Kakasimula pa lang ng 2024, eto na naman tayo sa mga baluktot na galawan ng politika.

 

Previous articleWALANG MAKAPIPIGIL SA ISRAEL?
Next articleEL NIÑO PINAGHAHANDAAN NA