MANILA, Philippines – Magkakaroon na ng access ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa information sharing platform na tinatawag na Indo-Pacific Regional Information Sharing (IORIS), ayon sa delegasyon ng European Union (EU) sa Pilipinas.
Ito ay matapos lumagda ang PCG at MARINA ng kasunduan noong Setyembre 5 at 7 kasama ang IORIS’ developer Critical Marine Routes sa Indian Ocean Project (CRIMARIO II) kaugany sa usapin.
Ang CRIMARIO II, batay sa website nito, ay isang proyektong nagsusulong para sa kooperasyong panrehiyon at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya.
Itinatag noong 2015 at pinondohan ng European Union, layunin nitong palakasin ang maritime safety at security sa Indo-Pacific Region kung saan bahagi ang Pilipinas.
Ang IORIS ay inilarawan bilang isang “secure at neutral, web-based, maritime coordination at information-sharing tool.”
Ang platform na ito ay nag-aalok ng mga pag-andar tulad ng mga satellite services na may kakayahang pamahalaan ang mga maritime incidents.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, kinakailangan ng PCG at MARINA na epektibo at regular na gamitin ang IORIS kapalit ng mga serbisyo nito.
Ayon sa delegasyon ng EU sa Pilipinas, binanggit ni Deputy Head Dr. Ana Isabel Sanchez Ruiz na sila ay nagtatayo ng mga kasosyo sa Indo-Pacific upang mas mahusay na matugunan ang mga banta sa kaligtasan at seguridad sa dagat — gayundin ang pagtugon sa mga sakuna, protektahan ang kapaligiran ng dagat, at pangasiwaan na mapanatili ang fish stocks.
Samantala, malugod na tinanggap ni CRIMARIO II Project Director Martin Cauchi Inglott ang PCG at MARINA sa komunidad ng IORIS, na sinasabing sa kasalukuyan ay mayroon itong mahigit 40 civilian at military agencies mula sa mahigit 20 bansa sa buong Indo-Pacific.
“IORIS will support both organizations in implementing their mandate, providing a framework to exchange operational information, and connecting in real-time domestic and international stakeholders to address the evolving challenges in the maritime domain,” sabi ni Inglott. Jocelyn Tabangcura-Domenden