Home NATIONWIDE EVOSSS, humatak ng imbestors sa renewal energy – Gatchalian

EVOSSS, humatak ng imbestors sa renewal energy – Gatchalian

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian na umaakit ng mas maraming pamuhunan sa renewable energy ng komprehensibong pagpapatupad ng Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) system.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na ganito ang layunin ng pamahalaan kaya nilikha ang EVOSS.

Ayon sa senador, hindi pa ganap na naipapatupad ang batas dahil batay sa datos ng Department of Energy (DOE) nitong November 2023, nasa 85% pa lang ang completion rate mula 2019.

“Napakalaki ng environmental at economic benefits na maaari nating makuha mula sa paggamit ng renewable energy. Bukod sa mas malinis ito, mas marami na rin tayong alternatibong suplay sa renewable fuel kaya makakaiwas tayo sa pag-aangkat ng suplay mula sa ibang bansa. Ito ang dahilan kung bakit itinulak natin ang pagsasabatas ng EVOSS dahil ang bansa ay lubos na makikinabang dito,” ayon sa senador.

Ang pahayag ni Gatchalian ay kasabay ng panibagong panawagan niya sa DOE na ganap na ilunsad ang EVOSS system na inaasahang magpapadali sa mga prospective investor na bumuo ng RE projects sa bansa.

Kamakailan lang ay sinabi ng Bureau of Investments (BOI) na mas maraming renewable energy projects ang inaasahan ngayong taon.

Binigyang-diin din ni Gatchalian na dapat pag-ibayuhin ang paggamit ng pondo para sa EVOSS system.

Aniya, habang ang budget disbursement rate ay tumaas sa 89% noong Setyembre 2023 mula 13% noong 2022, bumaba ang obligation rate sa 48% noong Setyembre 2023 mula sa 83% noong 2022.

“Dapat maging agresibo ang DOE sa pagpapatupad ng EVOSS dahil layon ng batas na alisin ang anumang balakid sa renewable energy investments,” sabi ni Gatchalian, ang pangunahing may-akda ng Republic Act 11234 o Act Establishing The Energy Virtual One-Shop For The Purpose Of Streamlining The Permitting Process of Power Generation, Transmission, And Distribution Projects.

“Inaasahan nating mas marami pang mamumuhunan para sa RE projects na papasok sa bansa kung padadaliin natin ang proseso ng pagtatatag ng mga proyekto na ito,” diin niya.

Sa pamamagitan ng EVOSS system, maaalis ang red tape sa sektor ng enerhiya habang nagtataguyod ng isang kaaya-ayang investment environment para sa sektor.

“Kapag naipakita natin sa mga investors na mas madali para sa kanila ang pagtatayo ng mga RE projects, magiging senyales ito sa iba pang mga investors na mamuhunan sa bansa,” pagtatapos niya. Ernie Reyes

Previous article2 empleyado na-trap sa sunog sa Maynila, nasagip ng BFP
Next articleLTO kukulanganin ng plastic cards sa mga lisensya sa susunod na 2 linggo