MANILA, Philippines- Kabilang si retired Court of Appeals Associate Justice Melchor Sadang sa five-member committee na susuri sa mahigit 900 police generals at colonels ng bansa, na nagbitiw sa kanilang pwesto bilang bahagi ng paglilinis sa Philippine National Police (PNP) officers mula sa pagkakaugnay sa illegal drug activities.
Pinangalanan ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. si Sadang nitong Martes, halos isang linggo mula nang isapubliko na iba pang miyembro ng komite.
“Ang panglima na miyembro ng advisory group ay i-a-announce na natin. Ang pangalan niya ay si Justice Melchor Quirino Sadang. Si Justice Sadang ay naging Associate Justice ng Court of Appeals noong 2011 up to 2017,” pahayag ni Abalos.
Aniya pa, nagsilbi si Sadang na Presiding Judge ng Regional Trial Court sa Cavite City mula 2000 hanggang 2011.
Makakasama ni Sadang sina PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, retired general at Undersecretary Isagani Neres ng Office of the Presidential Adviser on Military Affairs, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa panel.
“I am definite that this advisory group shall remain apolitical throughout the process of screening and in the end, penalize only those guilty and involved in the illegal drugs trade,” giit ni Abalos. RNT/SA