DIADI, NUEVA VIZCAYA-Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang isang dating pulis matapos ang pamamaril sa dalawang magkapatid na ikinasawi ng isang biktima sa Barangay Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya.
Kinilala ni PLtCol. Emil Pajarillo, tagapagsalita ng Police Regional Office 02 o PR02 ang suspek ay si Elmer Calibuso, Ex-PNP member ng Santiago City Police Office, at residente ng Barangay Abra, Santiago City.
Dakong alas 7:00 ng gabi ng pagbabarilin ngbsuspek ang magkapatid na biktimang sina Rex Garnadozo, 45 anyos at Fredelito Garnadozo, 36 anyos na parehong residente ng Escoting Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kakauwi pa lamang ng mga biktima sa kanilang bahay mula sa kanilang taniman ng mais nang biglang pagbabarilin ng suspek na noo’y nakaabang sa labas ng bahay ng mga biktima si Rex Garnadozo.
Sinubukan namang tulungan ng nakababatang kapatid ang biktima subalit binaril din ito sa hita.
Matapos ang krimen, agad na tumakas ang suspek sa hindi pa matukoy na direksyon sakay ang isang Grand Starex na kulay gray.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya ay mayroon umanong dating alitan sa lupa ang suspek at mga biktima dahil magkatabi lamang kanilang taniman ng mais sa kanilang lugar.
Samantala, inalerto na rin ang bawat himpilan ng pulisya sa mga bayan at probinsya na posibleng daanan at puntahan ng dating pulis na magsagawa ng mahigpit na pagbabantay sa checkpoint para sa kanyang agarang pagkakahuli. Rey Velasco