Home METRO Ex-kagawad nalambat sa buy-bust ops

Ex-kagawad nalambat sa buy-bust ops

LABANGON, Cebu- Laglag ang isang dating barangay kagawad na hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation, Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Brian Dwight Gaviola, 47-anyos, residente ng Barangay Quiot Pardo, Labangon, at dating kagawad ng Barangay Sto. Niño, Cebu City nitong katatapos na BSKE 2023.

Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA-7) at Labangon-PNP, bandang alas-9:30 ng umaga nang madakip ang suspek sa bahay nito sa nasabing lugar.

Nakuha sa suspek ang limang pakete na naglalaman ng shabu na may bigat na 20 gramo at nagkakahalaga ng ₱136,000, isang cellular phone, IDs, motorsiklo, at ₱3,000.

Ayon kay Leia Alcantara, PDEA-7 spokesperson, kaya magbenta ng 30 gramo ng shabu ng suspek sa loob ng isang linggo.

Sinabi pa ni Alcantara na nasa listahan ng PDEA-PNP target list si Gaviola at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa illegal drugs. Mary Anne Sapico

Previous article1 trak na kamatis dinispatsa sa bakanteng lote sa N. Vizcaya
Next articleHigit 800 aplikante natanggap sa DOLE job fair